BUMILIB tayo sa ipinakitang tapang ni Justice Secretary Leila De Lima nang pangunahan niya ang pagsalakay sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa kaugnay ng mga napapabalitang pagbubuhay-hari ng mga convicted drug lords na nakapiit doon.
At mismo, natambad sa mga mata ni Secretary De Lima ang walang pangalawang pang-aabuso sa batas ng mga convicted drug lords at pakikipagsabwatan ng ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor).
(Kailan kaya pananagutin ni Secretary De Lima ‘yang mga opisyal na ‘yan? Hindi kaya dapat unahin si D/G Franklin Bucayo?!)
Anyway, gusto natin muling makita ang tapang ni Secretary De Lima laban sa mga human/sex trafficker lalo na roon sa mga tila walang takot na operator ng K-ONE KTV Bar d’yan sa kanto ng San Fernando at Sto. Cristo streets sa Binondo at Emperor International KTV Club d’yan sa Remedios St., Malate, Maynila.
Kung ang mga drug lord sa Bilibid mayroong Chinese nationals, d’yan sa K-ONE at Emperor International, mga babaeng Chinese nationals din ang inirarampang mga pokpok.
Kapwa na-raid na ng mga awtoridad ang dalawang KTV bar na ‘yan pero ang ipinagtataka natin hindi pa naglilipas-linggo ‘e nagbukas na naman.
Sonabagan!
Anong POWER mayroon ang K-ONE at Emperor Int’l KTV bar at mabilis silang nakababalik sa kanilang ‘pokpok’ operations kahit sinalakay na sila ng mga operatiba gaya ng National Bureau of Investigation (NBI) at CIDG.
Madam Leila De Lima, mukhang POWERS ninyo ang kailangan laban sa mga KTV club na ‘yan na rampahan ng mga pokpok na Chinese nationals.
Kung hindi tayo nagkakamali, maging ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ay naluma sa POWERS ng mga operator ng dalawang KTV club na ‘yan.
Natiyope ang mga sindikato sa loob ng Bilibid kay Secretary Leila, ganoon din kaya ang mangyari sa K-ONE at sa Emperor International kapag ang Kalihim ng Katarungan ang namuno sa pagsalakay d’yan sa sinasabing isa sa dalawang KTV club na talamak ang human trafficking at pokpokan?!
Ano sa palagay ninyo, Madam Secretary?!
Hihintayin po namin ang POWERS ninyo laban sa K-ONE at Emperor International, Secretary Leila!