ANG mag-asawang kaanak ng negosyanteng inaakusahang ‘dummy’ umano ni Vice President Jejomar Binay na si Antonio Tiu ang sinilip at inasinta ngayon ng gobyerno.
Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue ng magkahiwalay na kaso ng tax evasion sa Department of Justice ang kapatid at hipag ni Antonio na sina James at Ann Loraine Tiu, dahil sa pagkabigo umanong magbayad ng tamang buwis na may kabuuang halaga na mahigit P39 milyon.
Sinadya raw ni James na iwasan ang pagbabayad ng wastong buwis at hindi nagdeklara ng tamang impormasyon sa kanyang “income tax return (ITR)” para sa 2010 at 2011. Ang kanyang asawa ay hindi naman daw nakapagbayad ng buwis mula 2010 hanggang 2012.
Nasilip ng BIR na hindi umano angkop ang laki ng gastos ng dalawa sa mga binili at pinamuhunanan kung ikukumpara sa maliit na kinita nila.
Ang mag-asawang Tiu ay sinasabing kasama sa pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa kampanya ni Binay. Nahalungkat daw ng BIR na sa talaan ng Commission on Elections (Comelec), kapwa sila nagbigay ng tig-P7.5 milyon para sa pagtakbo ni Binay para pangalawang pangulo at tig-P2.5 milyon naman sa kanyang partidong PDP-Laban noong 2010.
Pero sa mata ng publiko, hindi maiiwasang isipin na ang ginagawa ng gobyerno na paghabol sa mga “contributor” ni Binay ay isang paraan para yanigin ang Bise Presidente na gamit ang mga legal na proseso.
Noon pa raw 2010 nagsimula ang sinasabi nilang pandaraya ng mga Tiu sa pagbabayad ng buwis. Wala bang sapat na kakayahan ang BIR para malaman kung sino-sino sa mga taxpayer ang mandaraya at ngayong 2014 lang natuklasan ang kakulangan ng mga Tiu?
Nang lumutang si Antonio Tiu sa Senado at inamin sa mundo na siya ang may-ari ng lupaing iniuugnay kay Binay sa Rosario, Batangas, hindi ito tinanggap ng mga umuusig na senador.
May mga naghihinala na baka ginigipit lang daw ang mag-asawa upang makabawi kay Antonio Tiu. Kung pumanig kaya ang nasabing negosyante sa mga kumakalaban kay Binay ay sisilipin pa raw kaya ang problema ng mag-asawa sa BIR?
At kung totoong parehas ang pagtrato na ibinibigay ng BIR sa lahat, bakit hindi nila halukayin din ang records ng mga donor ng mga kandidato ng administrasyon? Pero hindi bale na lang. Alam naman natin na malabong mangyari ito kaya huwag na tayong umasa pa.
Ang maliwanag ay walang balak tumigil ang mga bumibira kay Binay mula sa mga testigo hanggang sa mga senador. May mga bomba pa raw silang pasasabugin laban sa Bise Presidente.
Pero lahat ng gawin nila ay wa-epek kay Binay at sa karamihan ng publiko. Kapuna-puna na kahit ano pang isyu ang lumabas sa Senado ay si Binay pa rin ang nangunguna nang milya-milya pagdating sa ratings ng mga survey sa hanay ng mga tatakbo para pangulo sa 2016.
Ang lalong nalantad sa mundo, ang ating maruming politika na gagamitin ang lahat nang puwedeng masilip at ibato, pati na marahil ang lababo kung maaari lang kalasin ito, para sirain ang pagkatao ng kalabang politiko. Kailan kaya ito mababago?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View