INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman ng mag-asawa ang isang Immigration officer ng NAIA Terminal 1 sa Pasay City bunsod ng pagiging arogante.
Kinasuhan nina Gabriel Apostol at Ma. Critina Bucton, ng Blk. 102, Lot 61, Area F, San Pedro, San Jose del Monte, Bulacan si Immigration Officer Sidney Roy Dimandal ng unjust vexation, grave oral defamation at slander, at iba pang paglabag na nagdulot sa kanila ng kahihiyan at pagkasira ng reputasyon, at ng paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct, Conduct, Conduct Unbecoming of a Public Official, Abuse of Authority and Oppression.
Ayon sa salaysay ng mag-asawa, nitong Sabado, Nobyembre 22 (2014), dakong 4 hanggang 5 a.m., nagtungo sila sa Immigration Office para sa assessment at evaluation bilang mga pasahero bago ang kanilang flight. Dahil limang taon nang overseas Filipino worker (OFW), sinabi ni Apostol na batid niya ang mga proseso sa Immigration. Dahil ang kanyang misis na si Bucton ay bagong pasahero, sinamahan niya ang kanyang misis sa Evaluationg Officer ng Bureau.
Nang makarating sila sa mesa ng nakatalagang opisyal, isang lalaking nakasuot ng black jacket ang lumapit sa kanila at sinigawan sila ng “Hoy! For interview ka ba? Bakit nandito ka? Dun ka, dun ka! Doon ka sa dulo umupo! At huwag kang humarap dito!”
Gayonman, nagtimpi aniya siya at magalang na sinunod ang utos at naupo sa silyang malayo sa mesa. Naghintay aniya tawagin siya habang nag-oobserba at nakikinig kung paano tratuhin ng lalaki ang kanyang misis. Makaraan ang 15 minutong interview ay nakita niyang umiiyak ang kanyang misis kaya nilapitan niya ang opisyal at tinanong.”Bakit po sir? Ano po ba ang problema?”
Ngunit pasigaw aniyang sinabi ng opisyal na “Mag-asawa ba kayo? Nasaan ang mga requirements n’yo? Akin na, ipakita n’yo nga ang patunay na mag-asawa kayo! Magpopokpok ka lang ‘ata sa abroad e!”
Sa loob aniya ng 30 minuto ay kung ano-anong masasamang salita ang sinabi ng opisyal kahit makaraan ibigay nila ang patunay na sila ay mag-asawa.
“Hindi ito legal na dokumento, peke ito! ‘Wag n’yo kong gaguhin! ‘Bigay n’yo sa ‘kin ‘yung galing sa NSO!” Aniya, ipinaliwanag nilang hindi pa sila makakukuha ng NSO marriage cerfiticate dahil bagong kasal lamang sila.
Gayonman, nagpumilit aniya ang opisyal at nanindigan sa kanyang desisyon na hindi kikilalanin ang mga dokumento sa kabila ng kanilang paliwanag. Nakiusap aniya sila at nagmakaawa na sila ay pasakayin dahil malapit na ang boarding time. Ngunit pasigaw aniyang sinabi ng opisyal at narinig ng lahat ng mga pasahero ang katagang “Wala akong pakialam sa inyo! Hindi magbabago ang desisyon ko! Ako ang masusunod dito! Ako ang opisyal dito! Sa akin lang kayo dadaan! At hindi ako naniniwala sa dokumento n’yo peke yan! Ikaw babae ka hindi mo ‘yan asawa at wala ka nang balak na bumalik dito sa bansa ‘di ba! Dahil magpopokpok ka lang sa abroad.”
Bunsod nito, uminit aniya ang kanyang ulo na nagresulta sa kanilang mainitang pagtatalo. Aniya, sinabi niya sa opisyal “Wala po bang mas mataas sa inyo na puwede po naming mapakiusapan? Sino po ba ang mas in-charge sa inyo na pupwede po naming maipahayag ang aming saloobin?” Sa puntong ito ay itinanong niya kung ano ang pangalan ng opisyal.
Lalo aniyang nagalit ang opisyal at sa mataas na boses ay sinabi ang katagang “Putang ina, ano magrereklamo ka! Sige, magreklamo ka, Doon ang head office namin sa Intramuros!” Kasabay nito ay ipinakita aniya ng opisyal ang kanyang ID at nakilala nilang si Sidney Roy Dimandal. Hinamon din anila sila na magreklamo sa BI Head office sa Intramuros.
“Napaka-unprofessional ng ginawa ni Immigration Officer Dimandal sa amin,” pahayag ng mag-asawa sa kanilang reklamo.
Bilang suporta sa kailang reklamo, sinabi ng mag-asawa na nakunan nila ng video at retrato ang insidente na magpapakita kung gaano kaarogante si Dimandal.
HNT