ISANG masayang pagtatanghal ang magaganap ngayong Sabado ng gabi sa Talentadong Pinoy dahil magbibigay-pugay ang audience sa studio sa ating birthday celebrant na si Tuesday Vargas.
Tiyak bibilib ang mga manonood sa mga Talentadong Pinoy na kalahok ngayong Sabado tulad ni Amaya Isabel Gonzales ng New Manila na kung tawagin ay “Amaya” na miyembro ng banda pero nagkahiwalay sila kaya nawalan na siya ng interes.
Nagtuturo na ngayon si Amaya sa dance studio at nagsisimula na siyang ma-engganyo sa aerial hoop, pagsayaw sa himapapawid gamit ang isang hulahoop.
Isang Talentadong Pinoy naman mula sa Iloilo na si Mark Montano ang magpapakitang gilas na tinawag na “Show Stopper.”
Hindi naging hadlang kay Mark ang kanyang kapansanan bagkus ay naging hamon pa ito para mas lalo siyang magsumikap pa para gumanda ang buhay.
Nagtuturo na siya ngayon sa bartending schools at nakarating pa ng India.
Ang ikatlong Talentadong Pinoy ay mula sa Novaliches na si John Paul Canlas na bilib ang lahat dahil sa kanyang mataas na boses at ka-boses niya sina Regine Velasquez at Angeline Quinto na idolo raw niya.
Si Dexter Duran naman ng Caloocan ay tinawag na “Jack of All Trade” dahil lahat ng puwede n’yang raketan ay pinasukan na n’ya. Sa pagsali sa Talentadong Pinoy 2014, hangad n’ya na mapaganda ang buhay ng kanilang pamilya.
Samantala, isang grupo ng mga taga-Quezon City naman ang lalahok din sa Talentadong Pinoy 2014 para ipamalas ang kanilang natatanging galing. Tinawag na “Tip Chorale Society”, nakarating na sila sa iba’t ibang bansa upang sumali sa mga international competitions.
Hindi naman magpapatalo si Mariel Rodriguez sa contestant nilang biritero!
ni Reggee Bonoan