MALALA ang respiratory disease ngayon sa bahagi ng San Isidro sa Licao-Licao, City of San Jose del Monte, Bulacan.
Bawat bata, bawat matanda, babae o lalaki ay hindi nakaliligtas sa salot na ‘POLUSYON’ mula sa ilegal na tunawan ng gulong d’yan sa area na ‘yan.
Tinutunaw ang gulong dahil nakakukuha rito ng langis na idine-deliver sa mga suki nilang barko at sa kompanyang New Hope sa San Simon, Pampanga.
Labis na nagtataka ang mga residente dahil libreng-libreng nakapag-o-operate ang tunawan ng gulong gayong kolorum at ilegal ito.
Walang pangalan ang kompanya at lalong walang permiso mula sa city government.
Minsan na umano itong naisumbong sa isang radio program kaya naipasara sa loob ng dalawang linggo lamang.
Pero sa hindi malamang kadahilanan, after two weeks ay back to normal na naman ang operas-yon ng tunawan ng gulong.
Happy na naman sila!
Ayon sa ating impormante, isang Koreano na kilala sa tawag na KONG HA ang tarantadong operator ng nasabing tunawan ng gulong.
Para walang bulilyaso, ang kinuhang trabahador ni Kong Ha ay mga residente sa nasabing area na walang trabaho.
Sa gabi nila ginagawa ang pagtutunaw ng mga gulong kaya hindi nakatutulog ang mga residente dahil sa napakabahong amoy.
Ang pinakahuling perhuwisyo na nangyari sa nasabing area nitong nakaraang buwan ay nang magsalin ng langis pero nasunog ang truck at na-damay ang dalawang bahay at ang kotse ng isang pulis.
Aba ‘e gumastos umano ng P2 milyon ang nasabing Koreano para bayaran ang mga nasunugan kasama na ang kotse ng pulis.
CSJDM Health Department, City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Bureau of Permits imbestigahan ninyo ang pamamayagpag ng iligal na tunawan ng gulong na pag-aari ng Koreanong si Kong Ha?!
Marami na po ang nagkakasakit sa bahaging iyan ng inyong lungsod.
Huwag kayong pakaang-kaang!