SA ngalan ng patas na pamamahayag, nais natin ibahagi sa inyo ang paliwanag ng dalawang empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) na sina Airport Police Alvin Borero at Joyce Velunta na itinuturong sangkot sa human trafficking sa NInoy Aquino International Airport (NAIA).
Ngayon nga, habang pinaghahanap ng Bureau ng Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) si Annaly Soriano, ang secretary sa AGM-SES na itinurong promotor ng tangkang pagpuslit ng apat na babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ‘e nowhere to be found na pala siya.
Pati ang kanyang Facebook account ay biglang ini-deactivate!
Matapos ang insidente nitong Oktubre 25, agad umanong nag-AWOL si Ms. Annaly. Kaya nang puntahan ng mga awtoridad ang kanyang bahay — negative as in cannot be located na siya.
Kumbaga, after the ‘timbog’ incident, mabilis na nag-evaporate si Ms. Annaly.
‘E how about Alvin and Joyce.
Meron pong paliwanag ang dalawa. Unang-una super-deny sila na hindi sila sangkot sa nasabing insidente (HUMAN TRAFFICKING).
Ayon kay Alvin, ginamit lang ang pangalan niya sa nasabing request at hindi niya kilala, ni isa man sa apat na pasahero at noong Oktubre 25, siya ay nasa isang theme park sa Laguna kasama ang kanyang pamilya.
Ganoon ba Mr. Bolero ‘este’ Borero!? E ang pagkakaalam ko kapag nag-request ng OB pass ay kailangan pirmado ang request slip ‘di ba!?
Si Ms. Joyce naman, base sa kanyang paliwanag ay biktima siya ng sirkumstansiya.
Ayon sa paliwanag ni Ms. Joyce, idinikta sa kanya ni Ma. Annaly ang pangalan at detalye ng apat na pasahero para sa OB pass na ang request ay mula sa isang Betsy Paruhinog.
Si Ms. Paruhinog ay executive umano ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Joyce, tinanggap niya ang ‘pakisuyo’ ni Ms. Annaly dahil nga magkasama sila sa trabaho at hindi naman niya naiisip na gagawin sa hindi kanais-nais na intensiyon ang nasabing request.
Itinanggi rin ni Joyce na kilala niya sino man sa apat na pasahero.
Owws really Ms. Joyce?
Kaugnay nito, nagsalita na rin si Atty. Jose Ferdinand Rojas, general manager ng PCSO na wala umanong ginawang request si Ms. Paruhinog para sa nasabing apat na babaeng pasahero.
Inatasan din ni PCSO GM Rojas si Paruhinog na makipag-ugnayan sa mga ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Mayroon sigurong pangangailangan na i-check mabuti ng MIAA Asst. GM-SES office ang kanilang tanggapan at ilang empleyado na mukhang nakasasalisi sa human trafficking racket.
Palagay natin ‘e hindi na sila makalulusot ngayon kay AGM-SES ret. Gen. Vicente Guerzon, ‘di po ba Sir?!