SA kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pinoy cinema, nakipagsanib-puwersa sina Iza Calzado, Zanjoe Marudo, at Jodi Sta. Maria, tatlo sa pinaka-critically acclaimed na mga aktor ng kanilang henerasyon, kasama ang blockbuster direktor na si Wenn V. Deramas sa Star Cinema, ang nangungunang film production outfit sa bansa, sa nalalapit na mainstream theatrical release ng Maria Leonora Teresa, ang pinakamalaking horror movie event ng kasalukuyang season.
Lilihis ng panandalian si Deramas sa genre ng komedi na siyang dahilan kung bakit siya napamahal sa milyon-milyong Filipino at minamarkahan niya ang unang pagsabak sa horror habang tinatahi ang isang kakaibang istorya ng katatakutan at drama sa Maria Leonora Teresa, na bahagi ng engrandeng selebrasyon ng Star Cinema ng ika-20 anibersaryo nito.
Sa panulat ni Keiko Aquino, magkakatotoo ang bangungot ng bawat magulang saMaria Leonora Teresa. Ang makabagbag damdaming horror na ito ay nakasentro sa mga buhay ng tatlong ina na ‘di inaasahang magiging konektado sa isa’t isa matapos mamatay ang kanilang mga anak dala ng isang aksidente. Labis-labis na nagluksa ang mga inang sina Faith, Julio, at Stella dahil sa trahedyang kanilang sinapit. Gagawin ng mga ina ang lahat ng kanilang makakaya upang manatiling buhay ang alaala ng kanilang mga anak na babae. Humingi sila ng tulong sa isang doktor na binigyan sila ng mga manika na kamukha ng mga anak nilang babae na sumakabilang buhay na. Kakaiba man ang solusyon na hatid ng doktor, tinanggap ito ng mga desperadang ina. Malalaman ngayon ng mga ina kung tunay silang matutulungan ng mga manika o kung magdudulot ang mga ito ng makatindig-balahibong kakatakutan sa kanilang mga buhay.
Gagampanan naman ng tatlo sa pinakamahuhusay na child actresses na sina Red Bustamante, JC Movida, at Juvy Bison ang title roles nina Maria, Leonora, at Teresa.
Ipalalabas na ang Maria Leonora Teresa sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula ngayon Setyembre 17.