HINDI pusa si Hello Kitty, itinanggi ng kompanyang nasa likod ng global icon ng Japan, sa kabila ng pamimilit ng mga Internet user sa buong mundo na nangatuwiran: “Pero may whiskers siya!”
Sa katunayan, ang moon-faced na likhang naka-adorno sa halos lahat ng bagay mula sa mga pencil case hanggang pajama ay human, o isang tao.
“Si Hello Kitty ay isang masayahing dalagita na may ginintuang puso,” wika ng brand owner Sanrio sa kanilang website.
Lumabas ang shocking revelation nang magtanong ang isang Hawaii-based academic na nag-specialize sa epitome of kawaii (‘cute’ sa Hapones) sa Sanrio para mag-fact-check ng mga caption sa exhibit nito para sa kanilang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Hello Kitty.
Ayon kay Christine Yano, isang anthropologist mula sa University of Hawaii, “iwinastro siya—very firmly” ng Sanrio na si Kitty ay hindi pusa, at ang aktuwal na pagkatao ng worldwide Japanese icon ay isa itong cartoon character.
“Siya’y isang dalagita. Isang kaibigan. Pero hindi siya pusa. Kailanman ay hindi siya pinakitang naglalakad sa apat na paa. Nagsasalita siya at umuupo na gamit ang dalawang paa,” pagtugon ng Sanrio.
Bukod pa rito, kinompirma rin ng isang AFP enquiry sa status—kung pusa man o hindi—ang isa sa ipinakikilalang export ng Japan na hindi nga isang kuting.
“Ito’y 100 porsyentong personified na karakter,” sinabi ng tagapagsalita ng Sanrio sa AFP sa Tokyo. “Kumuha ng motif na pusa ang disenyo, pero walang element ng pusa sa setting ng Hello Kitty.”
Ang tunay na pangalan ng Japanese ‘cute’ icon ay Kitty White, paliwanag ng Sanrio, at sinilang siya sa southern England noong Nobyembre 1, 1974. Siya’y isang Scorpio na may blood type na A.
May kambal siyang kapatid na babae, si Minny White, at naninirahan sila sa hindi tinukoy na suburb sa London kasama ang kanilang amang si George at inang si Mary, batay sa profile ni Hello Kitty sa web.
Sa kabila ng pagkakaroon ng ‘whiskers’ at matutulis na tainga, tulad din ng kanyang kapamilya, may alaga ding hayop si Kitty—isang ‘tunay’ na pusa na may pangalang Charmmy Kitty.
Kinalap ni Tracy Cabrera