Aminado ang Movie Queen ng bagong henerasyon na si Bea Alonzo na natutuwa siya sa tuwing may maiinit na komprontasyon ang mga karakter nila ni Maricar Reyes sa top-rating primetime drama series ng ABS-CBN na “Sana Bukas Pa Ang Kahapon.”
“Nag-eenjoy kami lagi ni Maricar tuwing nag-aaway at nagtatarayan kami sa mga eksena namin bilang si Sasha at Rose,” pahayag ni Bea kamakailan nang mag-renew siya ng kanyang two-year contract sa Kapamilya network.
“Nakatutuwang gawin ‘yung away scenes dahil sa totoong buhay hindi namin ‘yun ginagawa. Challenge para sa amin na gawing kapani-paniwala sa viewers ‘yung tarayan at sagutan namin,” ani Bea kaugnay ng kanilang roles na mainit na pinag-uusapan maging sa social networking sites.
Taliwas sa alitan ng kanilang mga karakter sa “Sana Bukas Pa ang Kahapon,” sinabi ni Bea na maayos ang samahan nila off-cam ni Maricar at ng kanyang leading man na si Paulo Avelino na gumaganap sa kwento bilang si Patrick, ang lalaking kapwa mahal nina Rose at Sasha.
Aniya, “Lagi kaming nagtatawanan nina Maricar at Paulo sa set. Dahil sa soap na ito, mas naging close kami sa isa’t isa.” Samantala, tiyak na mas paiinitin ng “Sana Bukas Pa Ang Kahapon” ang gabi ng TV viewers ngayong hindi na papipigil pa si Rose sa kanyang paghihiganti sa lahat ng taong sumira sa buhay niya. Paano ipagpapatuloy ni Rose ang kanyang plano laban kina Sasha at Patrick ngayong may nararamdaman pa rin siya para sa kanyang asawa? Mapagtatagumpayan pa rin ba niya ang paghahanap sa tunay na pumatay kay Emmanuelle at sa kanyang ama?
Sa ilalim ng Dreamscape Entertainment Television, ang “Sana Bukas Pa Ang Kahapon” ay kwento ng dalawang magkaibang babae na naghahangad na makamit ang hustisya. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Trina Dayrit at Jerome Pobocan. Huwag palampasin ang mga makapigil-hiningang eksena sa “Sana Bukas Pa Ang Kahapon” gabi-gabi pagkatapos ng “Ikaw Lamang” sa ABS-CBN Primetime Bida.
Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng “Sana Bukas Pa Ang Kahapon,” bisitahin lamang ang official social media accounts ng programa sa Facebook.com/SBPAK.TV,Twitter. com/SBPAK_TV, at Instagram.com/DreamscapepH.
BARANGAY SA PAMPANGA ITINANGHAL NA GRAND WINNER SA BARANGAY BAYANIHAN PARA SA BUWAN NG HULYO
Pareho-parehong pasok sa Top 7 sa Barangay Bayanihan para sa buwan ng Hulyo ang Barangay Ampid 1, San Mateo Rizal, Brgy. 740, Zone 80, Malate Manila, Brgy. Maestrang Kikay, Talavera, Nueva Ecija, Brgy. Niog 1 Bacoor Cavite, Brgy. Manggahan Pasig City, Brgy. Sto. Rosario Pau, Sto. Tomas Pampanga at Brgy. 157 Zone 14, Caloocan City.
Ibig sabihin ay pumasa sa criteria ang mga nabanggit para sa maayos, maganda at malinis na barangay. Pero siyempre may isang barangay na nag-stand-out sa lahat. Ito ang Brgy. Sto. Rosario Pau, Sto. Tomas Pampanga na itinanghal na Grand winner para sa Barangay Bayanihan sa buwan ng Hulyo. Tulad ng maraming nanalo na, pinagkalooban ng mga kapaki-pakinabang na regalo ang nasabing barangay partikular ang mga pangunahing pangangailangan ng lugar na magagamit ng bawat residente rito.