HINDI SUSUKO SI YUMI SA ANO MANG PARAAN IINTERBYUHIN NIYA SI JIMMY JOHN
Sandamakmak na taga-trimedia raw ang nag-aabang sa lobby ng hotel sa dayuhang singer/pianist. Gusto raw nitong makaiwas sa magulo at walang koordinasyong ambush interview. At iyon daw ang dahilan kung kaya ito nagkulong sa sariling kuwarto.
“Let’s proceed at Jimmy John’s place,” mungkahi ni Yumi sa mga kasamahang staff at crew ng TV network.
“Sige, mahirap nang ma-scoop-an tayo…” tango sa kanya ng 1st camera man.
“Okay, guys… Go, go, go!” sabi ng balba-sing lalaki na may hawak sa manibela ng behikulong may nakatatak na logo ng isang TV station.
Humarurot sa kalsada ang sasakyan ng grupo ni Yumi patungo sa tinutuluyang hotel ng American singer/pianist na mananatili lamang sa bansa ng isang buwan.
Siksikan na ang mga nakaparadang sasak-yan sa labas at loob ng bakuran ng hotel. Karamihan sa mga iyon ay puro taga-radyo, taga-diyaryo at taga-TV. Si Yumi at ang mga kasama niya sa trabaho ay nakigitgit-singit sa kanilang mga kabarong nasa lobby, nakahanda ang mga camera at videocam. Pero wala roon ang target na makuhanan ng larawan. Ang nakikiharap sa mga mamamahayag, ang personal secretary ni Jimmy John. Nakaposte rin doon ang ilan sa mala-James Bond na nangangalaga sa kanyang seguridad.
Mahigit isang oras na naghintay ang mga mamamahayag kay Jimmy John. Pero talagang hindi nagpakita o sumilip man lang sa lobby. Kaya naman sa pagkabuwisit ay busangot na ang mukha ng grupo ng mga taga-media na nag-alisan doon.
Nagpaiwan ang team ni Yumi. Tinangka ni-yang kausapin ang isa sa mga security personnel ni Jimmy John na malapit sa kanyang tabi. Pero naging mailap agad sa kanya at nagsabing “Wala ako sa posisyon para magsalita ng anumang bagay tungkol kay Sir Jimmy John.” Sa halip, itinuro sa kanya ang umano’y personal secretary ng dayuhang singer/pianist, na pina-ngalanang “Miss Ellaine.”
Lumapit siya sa isang malaking babae na kungdi sa tambok ng dibdib ay mas mapagkakamalang isang lalaki. Maigsi ang buhok nito at kilos barako. Ang nagsabi sa kanya na mahigpit ang mga protocol na ipinatutupad ng boss niyang si Jimmy John para sa pagtatakda ng isang panayam. (Itutuloy)
ni Rey Atalia