NAAALALA ko nang minsan akong maimbitahan para maging guest speaker sa selebrasyon ng anibersaryo ng Tau Gamma Phi (TGP) sa Amoranto Stadium sa Quezon City na dinaluhan ng mga fraternity brother, aabot ng ilang libo, mula sa iba’t ibang eskuwelahan sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya.
Naaalala ko rin nang imungkahi ko na dapat ikonsidera ng “frat” leaders ang pagbabago sa paraan ng recruitment at pagtanggap sa mga neophyte, halimbawa ang pagkakaroon ng partikular na academic average bilang kuwalipikas-yon, at pag-iwas sa hazing bilang initiation rite. Ito ay ilang buwan bago naipasa ang Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law of 1995.
Dahil sa pagkamatay ng biktima ng fraternity hazing na si Guillo Cesar Servando ay uulitin ko ang apela ko’ng ito halos 20 taon na ang nakararaan: panahon na — at matagal na dapat nangyari — na baguhin ang mga gawain ng mga fraternity (Greek-lettered man o hindi) na humihikayat sa hazing, na patuloy na umiiral sa mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.
***
Sumali ako sa TGP sa University of Santo Tomas (UST) mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Ang karanasan ko bilang neophyte noong huling bahagi ng 1970s ay hindi gaya ng kay Servando. Hindi ako sumailalim sa napakaraming palo ng paddle.
Nang mga panahong iyon, ang mga neophyte o “neos” ay hindi binubugbog sa hazing. Ang recruits ay tumatanggap ng hindi hihigit sa 40 palo ng paddle sa puwet, likod ng binti o hita at ilang latay ng sinturon kapag initiation. Pinainom kami ng puti ng itlog habang nakapiring, pinaniwalang ang likido ay pinagsama-samang sipon at laway ng mga initiator. ‘Yung mas madadali, inuutusan kaming magdala ng mga bouquet ng rosas sa ilang estudyanteng babae, bago kukunin ang numero ng telepono nito sa bahay para sa mga romantikong senior.
Pero ngayon, nalaman kong may mga school chapter na nagpa-paddle sa neophyte ng hanggang 70 beses, kung minsan ay umaabot pa sa 80. Paanong umaabot ito sa 70 o 80? Ano na’ng nangyari sa mga panahong ang bawat palo ay sumisimbolo sa ideolohiya o code ng brotherhood? Ano na’ng nangyari sa polisiya na nagbabawal sa pag-inom ng alak isang araw bago at habang isinasagawa ang initiation? O sa polisiyang walang kahit sino (maliban sa mga fraternity brother), kahit pa mga miyembro ng sorority, na makasasaksi sa rituwal?
Ang pagkakaiba-iba sa initiation rites ay malinaw na nagpapatunay ng kawalan ng national leadership na dapat sana’y nagtatakda ng iisang polisiya at patakaran dito.
Ang nangyari sa nabiktimang brod mula sa De La Salle-College of St. Benilde ay isang krimen. Bagamat ang mga trahedyang gaya nito ay bibihira at hindi sadya, kailangan pa ring may managot dito.
Ayon sa ilan sa mga brod na nakausap ko, ang mga frat ay gaya rin ng ibang organisasyon. Kung may miyembrong sadista at mapang-abuso, walang dudang may mangyayaring karahasan at labag sa batas. Kung mabubuti at disente ang mga miyembro, magiging maayos ang lahat.
At gaya ng alinmang fraternity, may mga pro-minente at responsableng miyembro ang TGP sa lipunan, kabilang ang mga lider sa politika at negosyo, mga propesyonal, at maging mga aktibista. Nagsagawa na rin ito ng iba’t ibang socio-civic activity dito at sa ibang bansa, gaya nang umayuda sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda at ang pagpupursige ng UST chapter na matulungan ang mga bata sa White Cross Orphanage.
Marami akong kilala na disenteng brod na buong pusong naglilingkod sa komunidad, ang ilan ay seniors na tinu-tyutor o tinuturuan ang mga junior sa mga subject na trigonometry at economics, at sa panahon ng initiation, tiniyak ng master initiator na ligtas ang rituwal. Sa mada-ling sabi, hindi kailanman kinunsinti ng aming batch ang bibihirang insidente ng mapang-abusong hazing.
***
Ang batas ay batas. Lahat tayo ay kailangang tumalima sa RA 8049. Umaapela ako sa pamunuan ng lahat ng TGP school chapter na tigilan na ang hazing. Mas mainam na ihinto muna ang pagre-recruit hanggang hindi pa naitatatag ng fraternity ang isang national council na tatalakay sa mga isyu at bubuo ng mga polisiya at patakaran na alinsu-nod sa Anti-Hazing Law, at magiging batayan sa mga susunod na recruitment.
Sa kawalan ng national leadership, umaapela rin ako sa lahat ng chapter at sa Triskelion Alumni Organization ng fraternity na maglabas ng sariling letter of apology at pakikiramay sa pamilya ni Servando. Bagamat hindi nito maibabalik ang buhay ni Brod Guillo, maiibsan naman nito ang matinding pagdurusa na pinagdaraanan ngayon ng kanyang pamilya.
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.