ni Ed de Leon
HINDI iyak iyon eh, hagulgol halos ang nangyari kay Ate Vi, (Vilma Santos) habang nagsasalita sa necrological service sa huling gabi ng wake ng kanyang confidante na si Aida Fandialan. Nagkukuwento siya kung paano niya nalaman ang pagkawala niyon.
Pabalik na raw sila sa Pilipinas mula nga sa London, nagtungo sila ni Senador RalphRecto dahil naghahanap nga sila ng isang school na mapapasukan ng kanilang anak na si Ryan. Alam na raw pala ng ibang mga kasama nila na isinugod na si Aida sa ospital, pero hindi sinasabi sa kanya dahil iniiwasang mabigla rin siya. Pero tanong daw ng tanong ang mga iyon kung nabasa na ba niya ang mga text message na ipinadala sa kanya.
Sa kakulitan ng mga nagtatanong, kinuha niya ang kanyang cell phone at tiningnan ang mga text message, noon lang niya nalaman na ang kanyang confidante ay inatake pala at isinugod sa ospital. Tumawag daw siya agad at nagtanong kung ano ang nangyari, wala namang maibigay sa detalye ang mga tao dahil sinasabi ngang nasa emergency room pa iyon, hindi pa nila nakakausap ang mga doctor pero sinabi na raw na kailangang ilagay sa ICU. Nagbigay daw siya ng instructions na ireport sa kanya kung ano man ang nangyayari.
Siyempre pagsakay sa eroplano, kailangang patayin ang cell phones. Naglalaro na raw sa isip niya na from the airport, tutal nakabihis naman siya, tutuloy na muna siya sa ospital para tingnan ang kalagayan ng kanyang confidante. Paglapag ng eroplano sa Pilipinas, lumabas daw sila ng normal sa airport. Tumawag siya agad kung ano na ang sitwasyon. Ang sagot sa kanya ng kausap ay “Ate Vi, hindi po ba ninyo natanggap iyong text namin kanina? Wala na po si Ate Aida”.
Para raw nangalog ang tuhod niya, nanghina siya, kailangan siyang painumin ng gamot para kumalma. Dumaan muna siya sa bahay nila para magpalit lang ng damit, tapos nagpunta na siya sa ospital na kinaroroon pa ng labi ni Aida, pero inamin niya “hindi ko siya tiningnan. Hanggang ngayon ayoko siyang tingnan. Ayoko siyang makitang patay. Hanggang sa picture na lang ako titingin,” sabi pa ng gobernadora.
Napaiyak ulit si Ate Vi habang ikinukuwento na noon daw atakihin si Aida ay nagpapahanda na ng pagkain dahil alam na darating na sila, at nagbilin daw agad sa mga inutusan na “huwag ninyong kalilimutan iyong ensaymada, hahanapin iyon ni Vi.” At maging noong nasa emergency room na raw at inaatake, nagpipilit pang magsalita na ang bilin ay huwag kalilimutan ang ensaymada dahil gusto iyon ni Ate Vi. Kami lang ang nagkukuwentuhan, hindi niya talaga mapigil ang umiyak.
Ang kuwento nga ni Ate Vi, “alam mo bang pati ang isinusulat mo sa columns mo itine-text niya sa akin noong nasa London kami. Paano kong malalaman lahat iyon, pati ang sinabi mong kung anong kulay ang gusto mo kung hindi niya sinabi sa akin. Pati iyong sinulat mo raw na itinapon mo na lahat ng t-shirts mo na ganoon ang kulay kasi kung ipamimigay mo baka isuot pa. Ganoon ka-detalyado, at iyon ang mami-miss ko kay Ate Aida,” sabi pa ni Governor Vi.
Kami man may kuwento tungkol diyan kay Aida. Isa siya sa mga unang-unang dumating sa ospital noong una kaming magkaroon ng heart attack. Ginising niya kami sa pagkakatulog, tapos sinabi niya sa amin na inutusan siyang magpunta roon ni Aga Muhlach na inaanak niya sa binyag, at kaibigan namin. Nasa abroad din noon si Aga at ipinaaalam sa kanya ang aming kalagayan sa ospital. Sabi pa ni Aida, “makakahinga na ng maluwag iyon dahil ayos ka na pala”.
Maraming mga tao sa showbusiness na nagkaroon din ng kaugnayan kay Aida. Tama si Ate Vi, “siya iyong suplada kasi matandang dalaga eh, pero mabait siya sa lahat ng tao”.