ANG nilalaman ng kasaysayan ng Iglesia Ni Cristo ay nakasasalay at umiikot sa ika-20 siglo, na makikilala sa pagbangon ng mga kilusang laban sa kolonyalismo sa mga kanayunan, na kadalasan ay may temang pangrelihiyon. Sa panahong ito, ang mga misyonaryong mula sa Amerika ay nagpakilala sa kulturang Filipino ng mga mapagpipilian sa Katolisismo na pamana naman ng mga Kastila.
Sa kanyang pagsasaliksik sa katotohanan mula pagkabata, nagpalipat-lipat si Kapatid na Felix Manalo sa iba’t ibang samahang panrelihiyon. Dito siya naging bihasa sa mga turo ng kanyang nasamahang relihiyon subalit sa bawat isa ay mayroon siyang nakitang mga kakulangan.
Sa ganitong pagkabigo ay sinubukan din ni Ka Felix ang mga samahang ateismo (atheism) at agnostiko (agnosticism) ngunit ito man ay hindi napunan ang kanyang pangangailangang espirituwal.
Isang araw, gamit ang mga panitikang naipon niya mula sa mga relihiyong kanyang nasamahan, at dala maging ang Biblia, nagkulong si Ka Felix sa isang silid at doon sinimulan ang sariling pananaliksik sa tunay na relihiyon. Pagkatapos ng tatlong araw at gabi, lumabas siya dala ang mga aral na magiging saligan ng mga turo ng Iglesia Ni Cristo.
Nagsimula ang INC sa kakaunting kaanib noong Hulyo 27, 1914 sa Punta, Santa Ana, Maynila, na ang punong ministro ay si Ka Felix. Ipinalaganap niya ang kanyang mensahe sa kanyang pook at unti-unti niyang napalaki ang Iglesia.
Ipinagwalang-bahala naman ito ng Iglesya Katolika Romana sa paniniwalang lalagpak ito. Inakala nila na ang paglaki ng Iglesia ay dahil lamang sa isang bagong bagay, gaya ng Protestantismo. Naniwala sila na hindi makatitindig si Ka Felix sa mataas ng uri ng kaalamang pangteolohiya ng Katoliko.
Ngunit nagpatuloy ang paglaki ng Iglesia maging sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 2005, pormal na kinilala ng Iglesia Katolika Romana ang pag-iral ng Iglesia Ni Cristo at binansagan ito na isa sa mga lumitaw na may kapangyarihang pangkating pagrelihiyon.
Malayo na ang narating ng Iglesia mula sa pagkakatatag. Ngayon, ang mga ministro ng Iglesia ay kasing bihasa na ng kahit aling mangangaral Kristiyano, at kayang makipagmatuwiranan sa Banal na Kasulatan maging sa orihinal ng Griyego.
Nang lumalaki na ang bilang ng mga miyembro ng INC, humirang si Ka Felix ng mga delegado para magpakilala ng Salita ng Diyos sa iba’t ibang lupain, kabilang na ang mga nasa labas ng bansa.
Nang namatay si Ka Felix noong 1963, ang kanyang anak na si Kapatid na Eraño Manalo naman ang siyang humalili bilang ehekutibong ministro at si Eduardo V. Manalo naman ang hinirang na deputy executive minister.
Umabot na sa 2,635 kongregasyon, na kung tawagin ay local, sa mahigit na 84 bansa at teritoryo sa buong mundo ang naitatag ng Iglesia ni Cristo. Kilala rin ang Iglesia ni Cristo sa Hawaii at California, dalawang estadong kilala sa dami ng imigranteng Filipino. Bagamat hindi naglalabas ang Iglesia ni Cristo ng tunay na bilang ng kanilang miyembro, ang Catholic Answer ay naniniwala na sila ay maaaring nasa pagitan ng 3 hanggang 10 milyon.
Sa Pilipinas, may programa ang INC na itinatanghal at sumasahimpapawid sa radyo DZEM-AM-954kHz, DZEC 1062 kHz-AM, telebisyon Net 25 at maging sa GEM-TV Channel 49-UHF ng Eagle Broadcasting Corporation.
Sa Hilagang America, isang programang pantelebisyon na may pangalang ‘The Message’ ang produksyon ng Iglesia Ni Cristo sa San Francisco Bay Area. Sa kasalukuyan ito ay naisasahimpapawid sa Estados Unidos at Canada at sa ilang bahagi ng Europa. Ang tatlumpong minutong programang ito ay tinatampukan ng iba’t ibang pagtalakay ukol sa mga aral na sinasampalatayanang aral ng Iglesia Ni Cristo.
Mayroon din magasin para sa kongregasyon sa buong mundo na may pamagat na ‘God’s Message’ (kilala rin sa dating tawag na Pasugo). Ang God’s Message ay nililimbag sa Tagalog at Ingles na edisyon. Mayroong mga edisyon na parehong may Tagalog at Ingles. Ang magasin ay binubuo ng mga liham sa editor, balita sa mga lokal sa buong mundo, relihiyosong tula, at mga artikulo hinggil sa pananampalatayang pang Iglesia Ni Cristo, direktoryo ng mga lokal sa labas ng Pilipinas, at nagpapalabas din ng mga talapalabas ng mga serbisyong pagsamba.
Mayroon din gawaing naglalayon nang pagtulong sa mahihirap. Nakapagtatag na ang INC ng pabahay gaya ng ‘Tagumpay Village’. Nagbibigay din ng libreng gamutan at serbisyong dental sa mga proyektong gaya ng ‘Lingap Sa Mamamayan.’ Bukod dito, mayroon rin silang mga serbisyong pangkomunidad gaya ng pag-lilins ng lansangan, pagtatanim (tree planting project) at pagdo-donate ng dugo.
Ang pagsapi sa Iglesia Ni Cristo ay ibinibigay sa pamamagitan ng Bautismo. Ang sinuman na gustong ma-Bautismoay dapat munang sumailalim sa mga Bible study on doctrines, matapos nito ay susubukin sila sa mga pagsamba na inaabot ng anim na buwan o mahigit pa. At kung ang aanib ay nagpasya na at tiyak nang sumasampalataya sa mga doktrina ay saka lamang sila tatanggap ng Bautismo.
Kapag siya ay nakarehistro na sa kanilang lokal, siya ay binibigyan ng status bilang isang ‘bible student’ at itinuturo sa kanila ang dalawampu’t anim na aral ukol sa pundamental na doktrina ng INC.
Sa Estados Unidos, mayroon tatlong karagdagang aral na itinuturo na karamihan ay naglalaman ng impormasyon ukol sa simbahan at ang pagsisimula nito sa Pilipinas. Ang mga aral ay nakasulat sa libro ng doktrina na isinulat ni Ka Eraño G. Manalo na pinamagatang ‘Fundamental Beliefs of the Iglesia ni Cristo.’ Ang libro ay ibinibigay sa mga ministro, ebanghelikal na mangagawa, at mga estudyante ng ministro ng INC. Bawat aral ay madalas na nagtatagal ng kalahati hanggang isang oras.
Philippine Arena: Pinakamalaki sa Buong Mundo
HINIRANG na pinakamalaking semboryo (dome arena) sa buong mundo, ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ay pinakabagong koloseyo sa Pilipinas na ipinatayo ng Iglesia Ni Cristo bilang pagsalubong sa ika-100 anibersaryo ng simbahang itinatag ni Ka Felix Manalo noong 1914.
Ayon sa arkitektong si Andrew James, ang pamosong arena ng INC, na umookupa sa mahigit 34,000 metro kuwadradong lupain, ay masasabing ‘earthquake-proof’ na itinayo ng 30 kilometro lamang ang layo sa (Marikina) West Valley Fault. Nagsimula ito bilang plenary hall para sa INC at ang kontratista na San Jose Builders ay binigyan ng 24 buwan para tapusin ang konstruksyon nito, “deadline na hindi puwedeng ipagpaliban.”
Para maging quake-proof ang arena, ipinaliwanag ni James na kailangang magkaroon ng flexibility ang bawat bahagi ng estruktura at dapat din siguruhin na magiging ligtas ang mga taong pupunta rito.
Tiniyak na sa pagkilos ng mga tao ay magkakaroon ng seguridad kapag may aktibidad, tulad ng pagpapasinaya ng gusali, na nagpapatupad ng disiplinadong crowd management sa malaking kaganapan at pagtitiyak na hindi magkakaroon ng mga bottleneck, walang panic at walang stampede sa panahon ng emergency. Ang evacuation time na itinakda: nasa pagitan ng apat hanggang anim na minuto.
Itinayo ng 62 metro sa ibabaw ng lupa at nagmumukhang korona sa gitna ng kapatagan, marami ang namangha sa ganda at tayog ng arena. Gaya nga ng pahayag ng mang-aawit na si Julia Abueva, “entertainment is big in the Philippines.” Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng malaking entablado at malaki din teatro (140 metro mula sa likod hanggang sa entablado) para sa malaking audience.
Dito rin maaaring asamin ng mga boxing fan na mapanood nila ang kanilang iniidolong People’s Champ, Manny Pacquiao, para bigyang muli ng karangalan ang bansa sa susunod niyang laban.
Hayaan natin ang mga eksperto ang magsabi sa pagkakatayo ng Philippine Arena, “We are ready to rumble with the tumble.”
Ang inisyal na disenyo ng Philippine arena ay inspirado sa Narra, ang pambansang puno ng Pilipinas, at sa ugat ng Balete. Idinisenyo ang area ng Kansas City-based global mega-architecture firm na Populous.
Isang bahagi ng 55,000 kapasidad na upuan nito ay kinulayan ng batay sa bandila ng Iglesia Ni Cristo. Ang bubong ay 160 metro ang lapad at naglalaman ng 9,000 tonelada ng steel work. May taas na 62 metro o mahigit sa 15 palapag, na itinayo sa pile construction.
Para naman sa landscape ng arena, idinisenyo ito ng PWP Landscape Architecture, ang kompanyang nag-landscape ng National September 11 Memorial & Museum sa Estados Unidos.
Maraming aktibidad ang maaaring gawin sa Philippine Arena, bukod sa mahahalagang mga pagpupulong at pagsamba ng INC.
Ito ay maaaring gamitin din bilang multi-use sports at concert venue, na may kapasidad na magtanghal ng iba’t ibang kaganapan mula sa boxing at basketball hanggang sa mga live musical performances.
Kinalap ni Tracy Cabrera