Friday , November 22 2024

Saan Ka Man Naroroon Aking Mahal (IKA-45 labas)

MALAKING HALAGA NG SALAPI ANG KAILANGAN PARA MAPATINGNAN SA ESPESYALISTANG DOKTOR SI CARMINA

Hindi ako sinagot ng matandang babae. Napakagat-labi ito. Nanlambot ang mga tuhod nito at biglang napaupo sa bangko. Saglit pa, umagos na ang masaganang luha sa mga mata ng ina ng babaing aking pinakaiibig.

“A-ano ba talaga ang sakit ni Minay? Ba’t nakahiga na lang s’ya?” baling ko kay Arsenia, walang kakilus-kilos sa kinatatayuan.

Napatungo si Arsenia. Ang banggit sa akin, “myelogenous” ang karamdamang dumapo kay Carmina. Hindi naman nito ibinigay ang kahulugan ng karamdaman na bago sa aking pandinig at mahirap pang bigkasin.

“Narito ako ngayon para ipanalangin at pahiran s’ya ng langis,” sabi ni Arsenia na may hawak na botelya na may lamang langis.

“Doktor ang kailangan ni Minay… Isang espesyalistang doktor!” bulong ko sa sarili, pagmamaliit na rin sa “kulto de-orasyon” na isinasagawa sa isang may-sakit na kasapi ng sektang kinabibilangan nina Arsenia at Carmina.

Hindi ko alam kung saan susuling. Malaking halaga ang kailangan para sa serbisyo ng isang espesyalistang doktor. Sa paniwala ko, pera at magaling na doktor ang makapagdurugtong sa buhay ni Carmina. Iniwan ko sina Arsenia at Aling Azon na ang balak ay manghiram ng pera sa aking operator o sa nagpapautang ng patubuan sa mga miyembro ng kanilang Toda.

Pero nagdadalawang-isip ako. Walang gaanong pera ang mabait kong operator dahil nagpagawa ito ng tatlong sirang traysikel. Sa ganid na usurera naman ay hanggang tatlong libo lang ang kayang ipautang sa mga gaya kong isang-kahig-isang tuka sa kalsada.

Hinding-hindi ko hahayaang mawala sa akin nang basta gayon lang ang babaing pinakamamahal ko. Kung may demonyo man, ito ang pagkakataon upang maibulid ako sa kasalanan.

Si Tutok! Mistulang ipinaparada sa kalye ang sinasakyang bagong motorsiklo nang malingunan ko. Paayon siya sa linya ng kalsada na nilalakaran ko. Malayo pa ay bigay na bigay na ang pagkakangiti niya. At tila sadyang inirerebolusyon ang makina ng kanyang sasakyan upang mapansin ko.

Tinawag ko si Tutok. “Tukayo!”

Sa tabi ko huminto ang minamanehong sasakyan ng lalaking maasim ang hilatsa ng mukha. Sa pag-angat, o sadyang pagpapaangat sa laylayan ng damit, ay nalantad sa bewang niya ang puluhan ng baril na hindi ko batid kung magnum o kuwarenta’y singko. Llabe tubong pamihit ng turnilyo ng gulong ng traysikel ang kabisado ko lang uriin. (Itutuloy)

ni Rey Atalia

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

Krystall herbal products

Produktong Krystall katuwang ng pamilya ng delivery rider sa pag-aalaga ng kalusugan

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong, Ako po si …

DOST NSTW Cagayan de Oro City

DOST brings nat’l science, technology, and innovation week in Cagayan de Oro City

The Department of Science and Technology is set to hold the 2024 National Science, Technology, …

DOST-PCCI innovation hub to boost enterprises’ growth

In a landmark collaboration aimed at bolstering the nation’s innovation and economic growth, the Department …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *