ni Ed de Leon
SINASABI nga ba namin, nakalipas na ang ilang araw ay bulong-bulungan pa rin ang pagpapahiram ni Gretchen Barretto ng pampiyansa sa dating alalay ni Claudine Barretto na ipinakulong noon sa Marikina City Jail. Sampung buwan na sa loob ng kulungan si Dessa Patilan, dating alalay ni Claudine na inakusahan ng dating female star na nagnakaw sa kanya ng pera at alahas na umabot ng kung ilang milyong piso.
Walang matakbuhan, nanatiling nakakulong si Patilan sa City Jail ng Marikina, at sinasabing minsan ay nagtangka nang mag-suicide dahil sa kawalan ng pag-asa, at naisalba nga lamang ng mga kapwa niya inmates. Nang makarating ang kuwentong iyon sa aktres na si Gretchen, naawa naman siya sa dating alalay na ipinakulong ng kanyang kapatid, kaya siya na mismo ang tumawag ng pansin ng abogadong siAlma Mallonga na kaibigan nila, para pakiusapang tulungan si Patilan nang pro bono, o walang bayad. Nasa batas na ang mga abogado ay kailangang humawak ng mga kasong pro bono, na ibibigay nila ang serbisyo nila ng walang bayad.
Pero sinabi raw naman ni Mallonga kay Gretchen na tulungan man nila si Dessa, hindi pa rin makakalabas iyon kung walang maglalagak ng piyansang itinakda ng korte, na malaki nga rin dahil sa laki naman ng halagang ibinibintang na ninakaw niya. Sumagot naman umano si Gretchen na nakahanda siyang tumulong.
Nangyari nga iyan nang si Gretchen mismo ang naglagak ng halagang P60,000 bilang piyansa para makalayang pansamantala si Dessa. Dahil walang matitirahan sa kanyang paglabas, pansamantala muna siyang nasa isang “center” habang dinidinig pa ang kanyang kaso.
Walang statement na ibinigay si Gretchen pero isang malapit sa aktres ang nagsabing minsan daw ay nasabi na niyon na “gusto lang niyang maituwid kung ano ang mga pagkakamali”.