ni Ed de Leon
HINDI raw kaya ang isang serye ng mga masasamang publisidad na lumalabas sa mga blog laban sa mga host ng Eat Bulaga ay isang black propaganda laban sa kanilang show? May mga taong ganyan na ganoon ang suspetsa, dahil karamihan sa mga blogger na naglalabas niyon ay nananawagan din na i-boycott ng mga makakabasa ang Eat Bulaga.Naunang lumabas ang binuhay na issue tungkol sa rape ni Pepsi Paloma noong 1982 na sinasabi nilang dahilan ng kanyang pagpapakamatay noong 1985. Kami na ang magsasabi sa inyo na noong panahong iyon ay reporter na kami, at isa kami sa mga nag-cover ng istoryang iyon. Malayo ang mga lumabas sa imbestigasyon kaysa sinasabi ng mga blogger ngayon. Saan kinuha ng mga blogger ang kanilang ibinibintang ganoong wala naman sila roon noon? Eh ‘di haka-haka lang.
Ganoon din iyong bintang na nag-suicide ang anak ni Jose Manalo dahil inabandona niya ang kanyang pamilya dahil sa ibang babae. Totoong hiniwalayan ni Jose ang kanyang asawa dahil sa naging malaking problema nila. Nadamay si Jose na katakot-takot na estafang umabot sa P68-M. Pero on record, sinusustentuhan niya ang kanyang mga anak, hindi na nga lang dumadaan ang pera sa asawa niya. May mga nagdududa na, na lahat iyan ay bahagi ng isang black propaganda. Huwag naman sana.