MUKHANG walang kredebilidad ang Department of Energy and Natural Resources – National Capital Region (DENR-NCR) sa Rock Energy Int’l Corp., dahil binabalewala lang ng vice president nito na isang Mario Veloso ang ORDER na BAWAL nang magbagsak ng COAL sa port area lalo na’t kung malapit sa food establishments.
Sa ating pagkakaalam, ang Rock Energy International Corporation ay nagsimula ng mineral at bulk logistics services sa pamamagitan ng ini-import na 8,000 metric tons ng coal (uling).
Hanggang noong 2007 ay umabot ng 140,000 metric tons. Kumbaga lumaki nang husto ang pangangailangan ng Rock Energy sa kanilang storage facility.
Ang siste, mukhang wala silang nakuhang malaking storage facility na kayang i-accommodate ang 140,000 tons imported coal.
‘E ang bagsakan pa naman nila ng kanilang mga imported coal ay sa mismong likod ng Navotas Fishport katabi ng isang malaking gas station at ng S-Lord Canning, pagawaan ng sardinas sa nasabing lugar.
Dahil katabi ng isang malaking gas station, inireklamo ng mga negosyante at residente ang HINDI ligtas na pag-iimbak ng Rock Energy ng kanilang mga uling (coal).
Delikado nga naman kung makasipsip ng gasoline at mahagisan ng kahit man lang upos ng sigarilyo ‘e tiyak na magliliyab ang buong Navotas Fishport.
Pero sa kabila ng mahigpit na utos ng DENR-NCR ‘e parang patay na lukan lang daw ang Rock Energy.
Mukhang walang kamandag sa kanila ang utos ng DENR-NCR.
Ipinagmamalaki rin umano ni Veloso ang kanyang mga konek lalo pa’t siya ay senior associate ng SGV & Co.
Aba, bilib naman tayo sa kapal ‘este’ asim nitong si Mr. Veloso … mukhang mabigat nga ang konek at nakukuha pang ipagyabang ang kanyang credentials …hehehe …
DENR NCR OIC Director LOURDES CALARA WAGAN, Madam, ano bang meron ‘yang Rock Energy bakit hanggang ngayon ay nakapagbabagsak pa rin sila ng COAL (ULING) d’yan sa likuran ng gas station sa tabi ng S-Lord Canning?!
Mukhang binabalewala lang ng isang Mario Veloso ang utos mo na itigil na ang pagbabagsak ng COAL sa area na ‘yan.
SAMPOLAN mo kaya!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com