ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI ikinaila ni Alwyn Uytingco na sobra siyang na-excite sa napakalaking break na ibinigay ng TV5, ang primetime dramedy na Beki Boxer na matutunghayahan na sa Marso 31.
Aniya, “ito bale ang first title role kaya exciting. Sobrang nangangapa pa ako dahil sa napakalaki ng concept, napakaganda. And up to now, nag-aadjust pa ako sa character ko.”
Fifteen years ding naghintay si Alwyn para mabigyan ng biggest break at iyon ay naisakatuparan ng Kapatid Network. Iikot ang kuwento ng Beki Boxer kay Rocky (Alwyn), isang binatang galing sa pamilya ng mga boksingero na siyang dahilan kung bakit natural at likas sa kanya ang talento sa boxing. Pangarap ni Rocky ang magign isang world-class boxer uipang maibalik ang nawalang karangalan ng kanilang pamilya. Ngunit hindi lang basta-basta boksingero si Rocky. Bukod sa kanyang mga pamatay na suntok na nagpapatumba sa kanyang mga kalaan, alam ni Rocky na sa kaibuturan ng kanyang puso, ang king of the ring ay isang…bading!
Isang versatile aktor si Alwyn, at hindi na bago (nakaganap na siya sa Ang Tanging Ina at Kapitan Awesome ng TV5) ang pagganap niya ng gay roles, pero ang Beki Boxer ang itinuturing niyang pinaka-challenging.
“Kabado talaga ako, sobrang nakakakaba, although nagawa ko naman ‘yung beki role. First time kong mag-boxing at lead role, roon lang ako kabado. Pero siyempre naniniwala naman sila sa akin. May pressure lang dahil lead role nga.”
Paanong hindi kakabahan si Alwyn eh, ang unang plano’y once a week lang itong mapapanood, pero dahil nagandahan daw ang management sa naturang dramedy, ngayo’y araw-araw nang ipalalabas ito.
“Excited ako pero medyo pressured nga po. Malaking responsibility kasi ang ibinigay sa akin ng network ngayon. Pero alam ko naman pong nakikitaan ako ng potential ng TV5 at nagpapasalamat po ako sa chance na ‘yun. Siyempre ‘pag nabigyan ka ng chance, gagalingan mo,” paliwanag pa ni Alwyn.
Kaya abangan kung paanong patutunayan ni Alwyn na ang pagiging beki ay hindi hadlang sa pagtupad ng mga pangarap sa bagong primetime dramedy series ng TV5 na Beki Boxer.