CONSISTENT si katotong Jobert Sucaldito sa kanyang pagiging transparent, lalo na kung nakataya ang kanyang kredibilidad pagdating sa kanyang mga kliyente bilang PR man.
Heto ngayon si Jobert, sa kanyang naka-post sa facebook patungkol sa voting members ng Philippine Movie Press Club (PMPC), may kaugnayan sa kanilang katatapos na 30th Star Awards for Movies.
Ayon sa reklamo ng ‘gererong’ katoto, nagpakimkim siya sa 22 voting member ng PaMaPaCa para matiyak ang panalo ng kanyang kliyenteng, si Laguna Gov. ER Ejercito, bilang Best Actor sa pelikulang “Shoot to Kill: Boy Golden.”
Pero hindi si ER ang nahirang na Best Actor kungdi si Vice Ganda, na ayon sa mga tsika, namudmod din ng pakimkim na mas malaking halaga kumpara sa ipinamudmod ng mga kalaban.
May binanggit na mga pangalan si katotong Jobert na kanyang tinukoy ang umano’y nagmanipula sa kinalabasan ng bilangan ng mga boto ng tatanghaling winners sa bawat kategorya.
Since wala sa bansa si Vice Ganda, hindi siya agad nahingan ng komento at wala pa ring opisyal na pahayag ang kampo ni Gov. ER hinggil sa mga pangyayari.
At dahil sa kontrobersiya, pati ang unang best actress award ni KC Concepcion ay nawalan na rin ng kredibilidad.
Heto ngayon, hinihintay ng buong industriya ang susunod na hakbang (legal or otherwise) ni katotong Jobert para plantsahin ang gusot na ito.
Well, sabi nga ng marami, walang bago sa PaMaPaCa, dahil sa tuwing sila’y mamamahagi ng mga tropeo (TV at Movies) ay lagi nang tampulan ng kwestiyon at kawalang kredibilidad ang kanilang mga choices.
COCO MARTIN, ALAGANG-ALAGA NG DOS
Nagulat ako sa nakita kong location set ng bagong teleserye ni Coco Martin na katambal si Kim Chiu.
Sa loob-loob ko’y talagang ginagastusan ang mga teleserye ni Coco Martin.
Sa nakita kong early episode ng “Ikaw Lamang”, tema ng kwento ng mahirap (Coco Martin, anak ng sakada) at ng mayaman (Kim Chiu,anak ng governador), hacienda ng tubuhan ang eksena at nagulat ako dahil sa Silay City, ang setting ang lugar na ginamit sa pelikulang “Oro, Plata, Mata” ni Peque Gallaga.
Sabi ng isang insider, sa susunod na episode, sa Batangas na ang continuation ng eksena ng mga sakada sa tubuhan (malamang sa Central Azucarera Don Pedro sa Lian/Nasugbo) at mga binata at dalaga na sina Coco at Kim.
Nakadama ako ng nostalgia nang marinig ko ang oyaying Sinugbo na, “Eli eli, tulog anay, wala dire imo tatay…kadto tiyenda bakal papay, eli eli tulog anay….”
May sangkap ng local color at dagdag pa ang tekstura ng setting na umangkop sa period na eksena.
Sa episode noong Martes, parang ginaya ang eksena ng malaking piging (kontodo sayawan) sa “Oro, Plata, Mata” bago sumiklab ang Filipino-American war.
Interesting ang simula dahil agad ipinakilala ang mga pangunahing tauhan na magkakatunggali sa paglaon ng istorya pero dahil sa mabubuong pag-iibigan nina Coco at Kim, ito ang aabangan ng televiewers.
Tiyak ko, ilalampaso ng “Ikaw Lamang” ang mga katapat niyang teleserye.
Art T. Tapalla