SA WAKAS ay mayroon na rin nakarinig sa matagal na nating pinupuna at binabatikos na ‘MONEY LAUNDERING’ at ‘DRUG TRAFFICKING’ ng mga dayuhan at lokal na ilegalista sa iba’t ibang casino sa bansa.
Ang impormasyong nakatawag pansin umano kay Sen. Nancy Binay ay ang ‘paglalabada’ ng drug money sa mga Casino.
Naalarma raw si Sen. Binay sa mga ulat na maraming miyembro ng drug syndicate na ginagamit ang mga casino (VIP rooms) para sa kanilang drug deals.
Literal na naniniwala si Sen. Binay na ang mga droga ay ipinagpapalit sa ‘CHIPS’ saka ipinagpapalit sa cash para hindi raw ma-trace ‘yung mga nagdadala ng droga sa casino.
Medyo mahirap po itong patunayan Madam Senator. Lalo na’t ang casino ay hindi kasama sa mga establisyementong nasa ilalim ng Republic Act 10365 (An Act Further Strengthening the Anti-Money laundering Law).
Mas madali sigurong makita at ma-trace ang money laundering kung ang bubusisiin ninyo ay kung sino-sino ang mga casino financier d’yan na may VIP gaming room.
Unahin n’yo na po ‘yung JOSEPH ANG na may pekeng kompanyang Ringson Int’l, Kgg. na Senadora Nancy Binay.
Siya ‘yung hinabol ng saksak ng isa pang Chinese national na si Jerry Sy na nahulihan ng mga baril at droga sa kanyang sasakyan.
Konting ‘TIP’ lang po ‘yan.
Una ninyong imbestigahan at ipakuha ang listahan ng mga Chinese at Korean national na nakakuha ng VIP rooms sa kanilang junket at rolling scheme d’yan sa Resorts World Casino at Solaire Casino.
Hindi lang po DROGA ang namamayagpag d’yan… Pati prostitusyon po!
Sa mga VIP room na ‘yan dinadala ng bugaw para i-show up ang mga babae para ibenta sa mga dayuhang manunugal.
At lahat ay nagaganap sa mga VIP room.
Tip of the iceberg lang ‘yan Senadora, marami pa kayong matutuklasan kapag binusisi ninyo nang husto ang lahat ng ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com