MAY IMPORTANTENG REQUEST ANG MOMMY NI INDAY PERO NAHIWAGAAN AKO SA MAG-ASAWA
Nagsosolo si Manang sa isang panig ng mesa, tagasilbi ng anumang puwedeng kaila-nganin pa sa hapag-kainan. Magkatabi kami ni Inday sa kabilang panig ng pahabang mesa, paharap sa may-edad nang kasambahay.
Masayang nagkuwento si Inday tungkol sa naging mga karanasan niya sa pagsama sa akin sa aming probinsiya. Ipinagmalaking tratong superstar ang ibinigay sa kanya ng mga paryentes ko. Patango-tango at pangiti-ngiti ang kanyang mga magulang. Kapansin-pansin ang pangi-ngislap ng mga mata ng kanyang ermat sa ma-labis na kagalakan. Panay naman ang lagay ng kanin at ulam ni Inday sa pinggan ko. Kaya matapos namin kumain ay niluwagan ko ang sinturon ng aking pantalon.
Bumalik kami sa sala. Nagpaalam sa akin si Inday na magpapalit muna siya ng damit-pambahay. Nang kami na lang ng ermat at erpat niya ang naroon, tinabihan ako sa upuan ng kanyang ina. Nang magtama ang aming mga mata, ang tanong agad sa akin ay kung gaano ko raw kamahal ang kanilang anak.
“Mahal na mahal ko po si Inday,” ang panunumpa ko.
“Kaming mga ina, kaligayahan ng anak ang laging nasa isip,” sabi ng ermat ni Inday nang pisilin ang kamay ko. Kung puwede nga lang, maya’t maya’y mapasaya mo s’ya… ‘Yun bang ‘pag tumawa’y mataginting ang halakhak.”
Medyo dramatik ang bitiw ng mga pangu-ngusap ng ermat ni Inday. Tingin ko, maluha-luha pa ‘ata.
Pero biglang sumabat sa usapan ang erpat ni Inday.
“Ano ka ba naman, Mommy,” anitong makahulugan ang pagkatitig sa asawa. “Kung maya’t maya’y patatawanin ni Atoy ang anak natin, magmumukha siyang lukring. O kungdi man ay baka kabagan.”
“K-kasi, Daddy, pakiwari ko’y kaybilis-bilis ng panahon…” pagbubuntung-hininga ng ermat ni Inday.
“Tama na… May makapipigil ba sa pag-inog ng mundo?” ang malumanay pero may diing pagkasabi ng erpat ni Inday.
Sa palitan ng mga dayalog na ‘yun ay wala akong naunawaan. At paglabas ni Inday sa kanyang kuwarto nang naka-pajama na, ibang paksa na ang pinag-usapan ng kanyang ermat at erpat.
“Gagawa pa ‘ko ng lesson plan, Mommy… Ikaw?”
“Bukas na lang…gigising na lang ako nang maaga, Dad.”
Nagpaalam ako sa mga magulang ni Inday na uuwi na. Sinabihan ko rin sila ng “goodnight.”
“Sige, iho,” sabi ng ermat ni Inday.
“Ingat” naman ang sabi ng erpat niya.
“’Bye,” sabi ko kay Inday nang pumasok na sa kuwarto ang kanyang ermat at erpat.
Hinagkan ako ni Inday sa pisngi.
“Sweet dreams,” aniya sa pagkakangiti, kabuntot ang patulang pagbigkas sa mga katagang “naglalakad-lakad sa pamamasyal sa isang napakatahimik at napakagandang lugar…” (Itutuloy)
Rey Atalia