NAKATUTUWA si Binibining Joyce Bernal dahil maski na hindi siya ang nagdirehe ng Kimmy Dora (Ang Kyemeng Prequel) ay dumalo siya sa presscon kahapon bilang suporta.
Matatandaang si Direk Joyce ang nagdirehe ng naunang dalawang Kimmy Dora (Kambal sa Kyeme) at Kimmy Dora (Temple of Kyeme) at itong huli lang ang hindi niya ginawa dahil mas nauna niyang tinanggap ang pelikula ni Robin Padilla na kasama rin sa 2013 Metro Manila Film Festival.
Nabanggit ni Eugene Domingo bilang si Kimmy at Dora na ang pangatlo at huling installment ang pinakamaganda dahil base na rin sa isa sa miyembro ng MTRCB ay maganda ang script nito sa lahat ng entry ng MMFF.
Kaya tinanong namin si Direk Joyce kung hindi ba siya nagsisisi na hindi siya ang nagdirehe ng huli?
“Hindi naman ako nagsisisi kasi mas nauna naman ‘yung kay Robin, okay lang kung sinabi nilang mas maganda itong huli, basta ang masasabi ko lang, nandito ako ngayon bilang suporta sa ‘Kimmy Dora (Ang Kyemeng Prequel)’ at hindi katulad ni Direk Chris Martinez na wala kasi matanda na, hindi na niya kayang bumangon,” birong sabi ni Direk Joyce.
Dagdag pa, “in fairness, maganda nga itong huli, pero para sa akin, mas maganda ‘yung una, original pa rin, siyempre, pero maganda rin naman ito.”
At sa tatlong Kimmy Dora ay ang pangalawa raw ang pinaka-magastos dahil sa mga effect at nagpunta pa sila ng Korea para mag-shoot.
“Grabe ang effects ng ‘Temple of Kyeme’ kasi nga parehong nagso-shoot sina Kimmy at Dora, so kailangan may effects at saka horror ‘di ba, so matindi,” pagbabalik tanaw ni Direk Joyce.
Ang kontribusyon ni Joyce sa Kimmy Dora (Ang Kyemeng Prequel) ay, “ako ang nag-edit kaya napanood ko, nakatatawa naman, masaya,” kuwento pa ni Direk Bernal.
Reggee Bonoan