WALA talagang dull moment kapag si Ai Ai delas Alas ang kausap. Kahit pagod sa trabaho o napagod ang puso, laging nakapagpapatawa pa rin ang tinaguriang Comedy Concert Queen.
Kasama kami sa dumalaw sa taping ng aktres ng TodaMax sa may Speaker Perez at napag-usapan doon ang tungkol sa kanyang birthday at concert. Tuwing nagbi-birthday kasi ito’y may concert na ginagawa. Pero this year, tila tahimik ang aktres tungkol dito.
Aniya, may malaki raw siyang pinaghahandaan. Ito ay ang kanyang 25th anniversary na magaganap sa 2015. Isang pasabog na concert ang gagawin niya na ngayon pa lang ay pinaplano na.
Sinabi ni Ai Ai na isang pasabog na concert ang magaganap sa Mall of Asia Arena.
“’Pag sa 25th year ko sa 2015, January pa lang, ia-announce ko na, walang sasabay ng November sa akin. Kahit foreign artist o local, wala. Ako lang.
“Magagalit talaga ako pag may sumabay sa akin. January pa lang, ia-announce ko na. Huwag kayong sasabay sa akin! Sa buong Pilipinas, sa lahat ng concert artists, huwag n’yo akong sasabayan sa November, 2015,” giit ni Ai Ai.
Idinagdag pa nitong, “magagalit talaga ako ‘pag mayroon akong kasabay. Aawayin ko siya. Ang tagal-tagal ko itong hinintay. Last na nag-concert ako 2010 pa. Kaya inaabangan ko talaga itong 2015 kasi silver anniversary ko sa showbiz. Pasabog talaga ito.”
Tiyak ngang pasabog ito dahil ngayon pa lang ay pinaplano na ang naturang concert.
Samantala, masaya si Ai-ai dahil mataas ang ratings ng Wansapanataym Special na siya ang featured artist sa buwan ng Oktubre na ang episode title ay Moomoo Knows Best.
Sa pilot episode nito noong Oktubre 12 ay number 1 all over-all weekend program na nagtala ng 30.8% ratings.
At sa pagpapatuloy nito ngayong Sabado, mas titindi na ang kompetisyon ng mga karakter nina Ai Ai at Cherry Pie Picache. Ngayong tunay at matapat na esperitista na si Joanna (AiAi), muling susubukin ang kanyang kabutihan sa pagpasok ng mapanira niyang karibal na si Lavender (Cherry Pie).
Kaya abangan ang Wansapantayam ngayong Sabado sa ABS-CBN2.
Maricris Valdez Nicasio