KASUNOD ng 7.2-magnitude na lindol sa Central Visayas nitong nakaraang Martes, agad na nagpadala ng medical team ang Philippine Medical Association (PMA) para tumulong sa disaster operations ng pamahalaan sa Cebu at Bohol.
Ayon kay PMA president Dr. Leo Olarte, ang mga medical team, na pinamumunuan ni PMA governor for Central Visayas Dr. Alan Torrefrancia, ay nagresponde simula pa noong unang araw ng kalamidad.
“Tumulong ang aming mga miyembro sa kinakailangang medical manpower, lalo na dahil ang mga institusyon ng pamahalaan at pribadong sektor tulad ng mga ospital ay tinamaan ng sakuna,” ani Olarte.
Aniya, nakatuon ngayon ang PMA sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para mabigyan ng tulong ang mga biktima ng lindol at ang kanilang mga pamilya.
“Nakipag-ugnayan na kami sa Department of Health (DOH), Department of National Defense (DND) and Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magkaisa sa search and rescue operations at maging sa medical emergency response. Ang ganitong kolaborasyon ay patunay ng kahalagahan ng tunay na serbisyo publiko,” aniya.
Samantala, inihayag ni PMA chairman for medical missions Dr. Eric Malubay na inalerto na at itinalaga ang 100 medical volunteer sa Bohol at Cebu para magsagawa ng mga medical mission.
“Isang daang doktor, kabilang ang mga psychiatrist, dentista, nurse at iba pang mga health volunteer ang magkakasabay na nagsasagawa ng medical mercy mission sa iba’t ibang lugar sa nasabing mga lalawigan,” ani Malubay.
Ilang mga kaso ng mental trauma at emotional distress ang naitala sa mga pasyente rito, na naging dahilan naman para mangailangan ng karagdagan pang mga psychosocial counselor mula sa Maynila.
“Lagi na tayong tinatamaan ng kalamidad sa nakalipas na panahon. Napapanahon na para makiisa tayo sa pamahalaan at suportahan ang pagbibigay ng serbisyo sa sambayanan lalo sa panahon ng krisis,” konklusyon ni Malubay.
(Tracy Cabrera)