ISANG kaso pa ng panggagantso ang nakalkal ng Commission on Audit kaugnay pa rin ng paggamit ng mga PEKENG non-government organization (NGO) ni Janet Lim Napoles sangkot ulit sina Senator Juan Ponce Enrile, Senator Jinggoy Estrada at Senator Loren Legarda.
Ang proyekto ay liquid fertilizer at plastic sprayer na nagkakahalaga ng P38 milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga nabanggit na Senador.
Bagamat mayroong nai-deliver na fertilizer at plastic sprayer ang People’s Organization for Progress and Development Foundation Inc., (POPDFI), hindi naman ito napakinabangan ng mga magsasaka dahil low grade at depektibo.
Bawat package ng nasabing fertilizer at plastic sprayer ay nagkakahalaga ng P20,000 to P35,000.
Hanep ang pangalan ng bawat package.
Merong organic agrarian implement packages sa halagang P36,450; high value yield enhancement packages sa halagang P20,500; farm inputs and implements worth P20,500 per package.
Pero nang magtanong ang mga magsasaka sa isang tindahan ang nasabing package ay mabibili lamang sa halagang P1,000!
Pakengsyet!!!
Ibig sabihin kumita ang mga MANDARAMBONG ng P19,000 hanggang P34,000 bawat isang package?!
‘E ilang package lahat iyon?
Mantakin ninyo ang P38,000 milyon?
Sa report ng Commission on Audit (COA) natuklasan na nabigo ang Dinalupihan government na isumite ang mga kinakailangang supporting documents para sa release, implementation at liquidation ng pondo.
Pero ayon naman kay dating Dinalupihan Mayor Joel Payumo, naroon ang isang taga-COA mismo nang ipamahagi sa kanila ang nasabing agricultural packages.
Nagtaka rin sila kung bakit POPDI ang naging implementor ng project pero hindi na sila umangal dahil ang katwiran nga nila dapat silang matuwa dahil napili silang benepisaryo ng nasabing proyekto.
Mismong sina Enrile, Legarda at Estrada umano ang nagtalaga sa POPDFI bilang “implementer of the project.”
Tsk tsk tsk…
Ang sakit ng katotohanan na matagal na palang ginagago ng mga kagulang-gulang ‘este’ kagalang-galang nating mga Senador ang sambayanan.
‘Yan po ang eksaktong larawan ng sinasabing ‘IGINISA TAYO sa SARILING MANTIKA.’
Hindi pa ba ibabalik ang PARUSANG BITAY?!
D’yan ko hinahangaan ang China sa pagpapatupad ng batas, CONSISTENT.
Sa China, ibinibitay ang mga tulak ng droga at mandarambong at taksil na opisyal ng bayan.
Sana ganoon rin tayo rito sa Philippines my Philippines.
Mangyari kaya?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com