MAY mga natuwa subalit maraming nag-alala sa desisyon na inilabas kamakailan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) hinggil sa singilan o bayaran sa tubig.
Nagtatanong pa nga ang nakararami kung matino bang desisyon ang ginawang water rate determination ng ahensya para sa dalawang water concessionaires.
Nag-aalala at maraming tanong ang nag-usbungan sa desisyon ng MWSS dahil sa kinakatakutang baka bumaba ang kalidad ng serbisyo ng dalawang water company.
Pero alam naman natin na hindi pabaya ang dalawang concessionaires dahil may puso rin naman ang mga nagpapatakbo rito – nandoon pa rin iyong prayoridad nilang magandang serbisyo at malinis na tubig para sa lahat lamang, sa ginawang malaking pagbabago ng MWSS, dalangin ng nakararami na sana hindi maapektohan ang lahat.
Sana nga dahil mahirap yata kung gobyerno uli ang magpapatakbo sa tubig natin – tiyak na maraming mauuhaw at magkakasakit.
Ano pa man, nag-aalala pa rin ang consumers makaraang ihayag ng dalawang concessionaire na kanilang ilalapit sa international arbitration ang ginawang pagtatapyas ng MWSS-RO sa kanilang water rate sa loob ng limang taon.
At hayun, ang idinadahilan pa ng pagtapyas o pagbaba ng water rate ay bunsod daw ng pag-alis ng mga nakatakdang proyekto ng dalawang water concessionaires na magsisigurong matitikman ng susunod pang henerasyon ang malinis na tubig at tuloy-tuloy na magandang serbisyo ng concessionaires.
Dahil dito, lumalabas na pinilit lang ng gobyerno at ng kanilang mga kinuhang mamahaling consultant ng MWSS-RO para sa water rate rebasing, na ibaba ang singil sa tubig para maipakitang may silbi sila o tagumpay ang pagrebisa sa water rate.
Bago ito, ilang beses naudlot ang pag-anunsyo ng MWSS sa water rate rebasing bunga ng kapalpakan ng mga consultant na ginastusan ng milyones subalit hindi naman makapag-bigay ng matinong sagot sa MWSS board of trustees (MWWS-BOT).
Heto pa nga ang nakatatawa, lumalabas na tila bao ng niyog ang desisyon ng MWSS sa inianunsyong rate determination dahil nang ihayag ng dalawang concessionaire na kanilang idudulot ang usapin sa international arbitration, nauutal pang este, biglang kumambyo ang MWSS.
Ah e, ano, aaa…pupu…puwede naman pag-u…u…usapan ang lahat ah. Tila ganito ang nais sabihin ng MWSS nang sabihin nilang bukas naman daw sila sa anomang compromise agreement.
Puwedeng pag-usapan pa ang lahat? Ano kayang ibig sabihin ng MWSS? Ibig bang sabihin nito na hindi sila sigurado sa kanilang desisyon hinggil sa ginawang rate determination alinsunod sa pinirmahan na kontrata ng dalawang kompanya na nakapaloob sa Public-Private Partnership (PPP’s).
Sa concession agreement na pinasok ng gobyerno para sa dalawang water concessionaires na inaprubahan at ginarantiyahan ng gobyerno noong 1997, nakapaloob dito ang improvement ng service delivery na tinupad ng dalawang water company. Katunayan ay 24/7 ang kanilang serbisyo.
Palawakin ang serbisyo sa tubig na sinunod naman kaya karamihan sa urban poor area ngayon at mga nasa liblib na lugar ay pilit na inabot ng dalawang kompanya para mabigyan ng serbisyo sa tubig.
Subalit, tila mismong gobyerno ngayon ang ‘pumapatay’ sa magandang serbisyo ng dalawang concessionaire. Mabuti na lamang at hindi nga pabaya ang dalawang water companya at kanila pa rin ilalapit ang lahat sa international arbitration para sa kapakanan ng milyon-milyong PNoy sa nangangailangan ng malinis na tubig inumin.
Almar Danguilan