SA IBABAW NG TULAY HUMINTO ANG JEEP AT YAYARIIN SI MARIO NG 3 PARAK
Kontra-bida ang dating ni Major Delgado sa mga kabarong gaya ni Kernel Bantog. Maaaring ipagtaas ng kilay ng marami kung paanong hindi ito nahawa sa kabulukan ng mga bulok na kasamahan sa kinabibilangang ahensiya. Napanatili kasi nitong malinis ang pangalan sa mahaba-habang panahon ng panunungkulan.
Ipinatawag ni Sarge kay Punggok ang dalawa nitong tauhan sa videoke bar sa makalabas lang ng compound ng himpilan ng pulisya. Malagihay na ang dalawang “pulgas” ni Sarge.
“Palilitawin natin na nagtangkang tumakas,” bahagi ng instruksiyon ni Sarge sa mga bagitong pulis. “Tapos, sasabihin natin sa press na suspek sa serye ng rape-slay ang dinampot natin.”
“Yes, Sir!”
Inilabas si Mario ng tatlo sa seldang kinapipiitan.
“S-sa’n n’yo ‘ko dadalhin?” naitanong niya nang isalya ni Sarge sa pagsakay ng dyip.
“Gabing-gabi na,” ang maagap na sagot ni Sarge na gumitgit kay Mario sa harap na upuan ng sasakyan. “Oras na para mamahinga ka!”
Pinagitnaan si Mario ni Sarge at ng kasama nitong nasa harap ng manibela. Lalong kinabog ang dibdib niya sa naulinigang impit na hagikgikan ng dalawang bagitong pulis.
Sa ibabaw ng kongretong tulay tumigil ang sasakyan. Mistula nang inapuyan ang puwit ni Mario sa pagkakaupo. (Itutuloy bukas)
Rey Atalia