MEDYO magiging maluwag ng kaunti ang schedule ni Ate Vi (Vilma Santos). Kailangan din naman siguro niya ng pahinga kaya sa totoo lang isang malaking relief din para sa kanya nang alisan siya ng committee chairmanship sa House. Pero inalisan siya ng chairmanship ng isang committee hindi dahil sa incompetence kundi dahil sa hindi siya bumoto pabor sa death penalty.
Sinabi naman iyon noon pa ni Speaker Pantaleon Alvarez, na ang sino mang hindi bumoto pabor sa death penalty, aalisan niya ng committee chairmanship. Eh matapos na magsagawa ng konsultasyon sa Batangas, lumalabas na hindi pabor sa death penalty ang mga mamamayan, bumoto siya ng no sa death penalty bill. Pero nananatili naman siyang member ng ilan pang committees.
“Medyo bawas lang ang tension ngayon, pero marami pa ring trabaho, kaya nga hindi pa rin ako makatanggap ng pelikula. Iyon na nga ang paulit-ulit na tinatanong ng fans, kung iisipin mo naman kumikita ang pelikula ko and I still win awards. Pero talagang hindi ko magawang tanggapin iyong mga offer sa akin dahil may responsibilidad nga ako sa mga taga-Batangas,” sabi pa ni Ate Vi.
“Pero hopefully dahil nabawasan nga ang paper work ko, baka naman mai-consider ko ang isang project before the year ends. Alam mo isa pa iyan. Maraming considerations sa gagawin kong pelikula. Kasi siyempre minsan-minsan na lang akong gumawa ng pelikula. Ipang-aagaw ko pa iyan ng oras sa schedule ko, kaya kung gagawa ako, talagang pipiliin ko na ang gagawin kong pelikula.
Una, dapat iyong pelikulang hindi naman nakaiinsulto sa katayuan ko bilang isang aktres at bilang isang congresswoman din naman. Ikalawa, kailangan iyong magugustuhan din naman ng fans ko. Kung hindi, hindi rin kikita iyan. Ayoko namang gumawa ng flop sa panahong ito.
“Maraming considerations talaga eh, pero basta may ok na project, gagawa ako ng isa before the year ends,” patapos na sabi ni Ate Vi.
HATAWAN – Ed de Leon