MAGLAAN ng panahon para sa pag-decorate, paglalagay ng magagandang bagay sa paligid, at sa sarili.
Iorganisa ang mga kasuutan. Pagtuunan ng pansin ang mga detalye ng susuuting damit. Ang pagiging elegante ay mahalaga.
Ang pagtutuon ng pansin sa feng shui ay mahalaga sa pagsalubong sa mga oportunidad. Linisin ang inyong bahay katulad ng inyong ginagawa sa spring cleaning.
Iurong ang ano mang piraso ng furniture na hindi madalas na nagagalaw upang malinis ang likod at ilalim nito. Huwag hayaang palaging magulo at marumi ang paligid.
Kung may mga kalat sa ano mang lugar, ito na ang panahon sa pagdispatsa ng mga ito. Ang ano mang bagay na hindi na ginagamit ay dapat nang alisin o idispatsa, lalo na sa mga closets, drawers, at storage areas na hindi organisado at marumi.
Sa inyong pagpasok sa bahay, ano ang bagay na nakikita? Igala ang paningin sa paligid, mag-obserba sa bawat kwarto ng inyong bahay.
Tiyaking ang unang makikita sa bahay ay kaiga-igaya at kahali-halina, at malinis. Iorganisa ang bawat kwarto upang ang unang makikita ay mainam pagmasdan at kahali-halinang pasukin. Ang unang makikita ay dapat na maganda na hahangarin mong malapitan.
Hindi lahat ay may artistic talents, ngunit ang lahat ay maaaring makagawa ng bagay na ikagaganda at ikaaayos ng ating paligid.
Tumingin sa interior design books o magazine upang makakuha ng mga ideya kung paano aayusin at pagagandahin ang bahay at inyong paligid. Maging bukas sa paglinang sa inyong pagiging makasining.
ni Lady Choi