Richard A. Albano: 3 dekada at 6 taon serbisyo bilang bantay at laban sa kriminalidad
Jesus Felix Vargas
April 10, 2016
Opinion
SA darating na Abril 15, ibababa ang tabing sa 3 dekada at 6-taon serbisyo publiko ng isa sa mga pinagpipitagang opisyal ng PNP na si PCSupt. Richard Albano, kabilang sa PMA “Maharlika” Class 1984.
Sa haba ng panahong ito, mula sa pagiging tentyente sa binuwag na Philippine Constabulary na dating isa sa mga service branches ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ngayo’y Philippine National Police, makulay, madamdamin at puno ng aksiyon ang 36 taon na kinakitaan ng mga enkwentro laban sa mga armadong kalaban ng pamahalaan, mga kriminal at mga mapagsamantalang elemento na salot sa lipunan.
Sa pagiging lead operator at pinuno ng pangkat ng mga operatiba noon sa Bulacan Police Provincial Office (dating kilala sa pagiging Bulacan Provincial Command), naging mahusay sa paninitiktik at sa pag-iimbestiga ng malalaking kaso si Albano na nahirang bilang kauna-unahang “The Outstanding Policeman of the Philippines (TOPP). Ang dating si House Speaker Jose de Venecia at si dating Pangulong Joseph Estrada ay ilan sa matataas na opisyal ng bansa na naggawad kay Albano ng mga parangal bilang Junior Officer of the Year, Senior Police Officer of Year at marami pang mga medalya at papuri noong mga panahong iyon.
Sa PC/INP Narcotics Command (NARCOM), sa PNP Regional Office 3, sa CIDG Regional Office 2 at 3, sa PNP PRBS, sa QCPD at sa kasalukuyan bilang Regional Director, PRO4A -CALABARZON, ipinamalas ni Albano ang katangiang kakaiba sa pakikisalimuha sa matataas na namumuno sa gobyerno, lokal o pambansa man; sa kabarangayan at lalo na sa publiko na pinanumpaan niyang paglilikuran.
Sa mga natatanging gawa ni Albano noong siya ay District Director ng QCPD, ginawaran siya ng pambihirang parangal ng kanyang Alma Mater (Philippine Military Academy) na pinakamimithi ng bawat Ayer … ang Cavalier Award noong 2014. Hindi karaka-raka na iginagawad ito ng PMA sa mga galing dito — napakahigpit ng pamantayan para mapabilang sa “elite” na karangalang gaya nito.
Isang mapagmalasakit na opisyal si Albano… sa isang iglap basta na lang darating ang nakayanang tulong kahit ito ay hindi hinihiling! Malakas makiramdam… hindi bantulot magdesisyon… ang utos ay pakiusap… ang damdamin ay maka-Diyos at tunay na haligi ng pamilya. Kapag may kausap, laging may pabaong salita mula sa damdaming may malasakit… hindi agad mapapagalit!
Bata pa para magsara ng telon para sa serbisyo publiko, ‘yan ang pakiramdam ko sa nararamdaman ni Albano sa darating na Abril 15, ng taong ito. Marami pa siyang nasasaisip upang makatulong… ‘di lang sa publiko, manapa’y sa mga katulad niyang unipormado. May nababanaag siyang liwanag mula sa maka-Diyos na paniniwala, at ito marahil ang sinasabi niyang pabulong sa inyong Koyang: Bantayan natin at Labanan ang Kriminalidad para sa ating mga anak — para sa kanilang kaligtasan at kapanatagan ng pamumuhay.