Suspek sa NGCP bombing ‘di matukoy — PNP
Hataw News Team
January 20, 2016
News
CAGAYAN DE ORO CITY – Blangko pa ang pulisya ng Lanao del Sur kung anong grupo ang responsable sa huling pambobomba sa tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Lanao del Sur.
Ayon kay Lanao del Sur provincial PNP director, Senior Supt. Seigfred Ramos, nagpapatuloy pa ang kanilang intelligence monitoring kasama ang militar upang kanilang malaman kung sino ang responsable sa pagpapasabog sa tower No. 50 sa NGCP’s Agus 2-Kibawe 138kV line sa Brgy. Pantar, Bubong, Lanao del Sur.
Hindi pa masabi ni Col. Ramos kung isang grupo lang ang responsable sa sunod-sunod na pambobomba sa mga tower ng NGCP dahil nagpatuloy pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon.
Habang umapela si NGCP Spokesperson Beth Ladaga sa publiko na kailangan nila ang tulong at suporta upang mabantayan ang mga tore nila at hindi ito muling masabotahe.
Bago ang panibagong pangyayari sa NGCP tower, pinatitiyak ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Inter-Agency Task Force ng Department of Energy (DoE) na hindi maging dahilan ang isyu ng “right of way” sa mga lugar na pinagtatayuan ng mga transmission tower ng NGCP para bulabugin ng ilang armadong grupo.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, inatasan na ni Pangulong Aquino si Energy Sec. Zenaida Monsada na silipin ang bombing incident at pag-aralang lutasin sa lalong madaling panahon ang isyu ng right of way.
NGCP, PNP, AFP pupulungin ng COMELEC (Sa isyu ng tower bombings)
PUPULUNGIN ng Comelec ang NGCP, AFP at PNP para mabatid ang status ng power supply at ang seguridad sa Mindanao dahil sa serye ng pagpapasabog sa transmission towers.
Bagama’t tiwala silang maaayos ang problema sa kakapusan ng koryente, naghahanda na rin ang Comelec sa worst case scenario.
Kabilang na rito ang pagtatakda ng ibang oras o petsa ng botohan sa mga presintong apektado ng power service interruption.
Ngunit kung maikling brownout lang anila ay kakayanin na ito ng battery ng vote counting machines.