MASAGANA ba ang iyong buhay sa kasalukuyan? Bagama’t krisis sa panahon ngayon, mainam din ang sandaling ito sa pamamahagi ng biyaya.
Sa pagsisimula ng iyong pamamahagi, kung sapat naman ang iyong yaman at maaaring may sobra pa, magsisimula ka ring maging parang money magnet, makahihikayat ka nang higit pang biyaya para sa iyo. Ipagpatuloy ang gawain ng pamamahagi at tiyak na tatanggap ka ng biyaya kalaunan. Narito ang limang paraan para sa madaling pagsisimula ng pamamahagi ng biyaya.
*Kasama mo ba ang kaibigan sa tanghalian. Huwag na siyang hintayin na bumunot para magbayad. Kapag ang kaibigan ay tumutol at parang napapahiya, ipangako sa kanyang siya naman ang taya sa susunod, o magbanggit ng pabor na ginawa niya para sa iyo at ang pagbabayad ang paraan ng pasasalamat mo sa kanya.
*Bumili ng bagay para sa iba. Kapag may nakita kang bagay na batid mong gustong-gusto ng isang tao na malapit sa iyo, maaaring iyong best friend o asawa, bilhin na agad ito. Tiyakin lamang na magugustuhan niya ito.
*Huwag magdadalawang-isip sa pagbibigay ng tip. Mainam ang pagbibigay ng tip ng 15 hanggang 20 porsyento ng iyong ibinayad. Kung kaya mo naman, maaari mo pa itong dagdagan. Tiyak na matutuwa ang tatanggap nito.
*Tulungan ang ibang makamit ang kanilang hangarin. Kapag may isang tao na nagsusumikap na makaipon ng donasyon para sa kawang-gawa, tulungan siyang matamo ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga tao na maaaring maging sponsor. Tiyak na matutuwa siya kapag nagawa mo ito.
*Ibigay bilang donasyon ang kasangkapang hindi na kailangan. Sa iyong paglilinis ng bahay, may makikita kang mga kasangkapang maaaring hindi mo na ginagamit. Ipunin ang mga ito ay ibigay sa kawang-gawa. Maaari ka ring magbigay ng pera kung iyong nanaisin. Turuan din ang mga anak ng pamamahagi ng kanilang biyaya sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang mga lumang damit na maaaring hindi na kasya sa kanila.
ni Lady Choi