“At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. Ang mapapagkatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya din sa malaking bagay. Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?.” Lucas 16:9-12
Sa isang pag-aaral na ginawa tungkol sa kinahinatnan ng mga nanalo ng malaking pera sa lotto, napagalaman na marami sa kanila ang nauwi lang sa wala ang kanilang napanalunan. Dahil sa maling paggamit ng biyayang biglang nakamtan, marami sa kanila ay bumalik sa dati nilang buhay makalipas lang ang maikling panahon. Mayroon ding napahamak dahil nagsilbing mitsa ng kanilang buhay ang sinasabing dumating na suwerte.
Marami sa atin ang tumataya sa lotto at iba-ibang klase ng sugal sa pag-asang ito ang makalulutas ng mga problema sa pera at para na rin matupad ang mga pangarap sa buhay. Ngunit marami din sa atin ang hindi nakakaunawa sa tamang gagawin kung sakaling tayo’y palarin. Makabubuti sa atin ang pagnilayan at matutunang isabuhay ang Salita ng Diyos tungkol sa paggamit ng kayamanan ng ating mundo.
Ang una nating dapat maunawaan ay ang katotohanang lahat ay pag-aari ng Diyos at tayo ay mga katiwala lang ng mga biyayang dumarating sa atin. Dahil dito, ang lahat ng gagawin natin sa mga ipinagkatiwala sa atin ay dapat na naaayon sa kagustuhan ng Diyos. Kapag inisip natin na anumang dumating sa atin ay atin nang pag-aari, malamang na gamitin natin ito ayon lang sa ating kagustuhan kahit hindi ito makabubuti sa atin o labag sa kagustuhan ng Panginoon.
Kapag may mga biyayang dumarating sa atin, lalo na kung ito’y sobra-sobra, isa lang ang ibig sabihin nito. Ito ay hindi lang para sa atin. Para din ito sa ating kapwa. Ang pagbabahagi sa kapwa ay tamang paggamit ng kayamanan ng ating mundo. Ito ang paraan upang makamtan natin ang tunay na kayamanan.
PAN-BUHAY ay isang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina