No. 1 sa aking listahan si Rafael “Raffy” Alunan III
Ariel Dim Borlongan
November 6, 2015
Opinion
SA MGA kandidatong senador ngayon, nangu-nguna sa aking listahan ang lider namin sa West Philippine Sea Coalition na si dating Department of Interior and Local Government secretary Rafael “Raffy” Alunan III.
Kabilang ako sa mga nagsabi sa kanya na may karapatan siyang tumakbo sa nalalapit na halalan dahil dalisay ang layunin niya para sa sambayanang Filipino.
Narito ang kanyang opisyal na pahayag nang mag-file ng kandidatura noong nakaraang Oktubre 16, huling araw ng pagpapasiya kung tatakbo o hindi sa halalan sa Mayo 2016:
“Nagdesisyon ako na bumalik sa pamahalaan upang maglingkod sa kapwa ko Filipino.
“Sa edad kong ito, hindi na ako puwedeng mag-relax at magsawalang kibo dahil alam ko na nakasalalay sa tamang pamamahala ang ki-nabukasan ng ating mga kabataan.
“Kapag nakakakita ako ng mga kabataan, tinatanong ko ang aking sarili kung ano pa ba ang magagawa ko para maging maganda at maayos ang kanilang pamumuhay sa Filipinas?
“Pinakamalaking hamon ang kahirapan. Lumaki nang halos siyamnapung porsiyento ang mahirap at ang pinakamahirap. Halos sampung porsiyento lamang ang nabubuhay nang komportable at marangya.
“Hindi ito makatarungan sa milyon-milyong Filipino na naghahanap ng ginhawa at permanenteng solusyong upang matakasan ang kahirapan. Nararanasan nila sa araw-araw ang gutom, pagkakahiwalay ng pamilya, galit at kalungkutan.
“Gusto nilang talikuran ang pagkalulong sa droga, krimen, karahasan at paggamit sa kanilang sarili. Naririnig ko ang kanilang hinaing at nararamdaman ko ang kanilang mga sama ng loob.
“Isa pang malaking problema na wala tayong pagkakaisa, walang tamang pupuntahan at walang kalidad sa pamamalakad ang pamahalaan. Nakaaapekto ito sa ating karangalan, soberaniya at maging sa integridad ng ating teritoryo.
“Ito ang dahilan kung bakit inaatake tayo ng mga puwersa ng kadiliman sa loob at labas ng ating bansa. Masyado tayong nagiging pabaya sa gawaing tama at sa tamang pamamaraan. Kaya’t umiiral ang katiwalian, pagpasok ng masasamang elemento at hindi makatarungang lipunan.
“At dahil diyan, unti-unting nawawala sa ating mga kamay si Inang Laya kaya dapat tayong lumaban para bawiin siya.
“Kaya dapat nating malagpasan ang mga hamon sa pamamagitan ng pagbabago at pagkakaisa. Kailangan natin maging matino at mahusay. Gawin lamang ang tama.
“Delikado at komplikado na pumasok sa politika, lalo na sa mga katulad kong bagito, na alam kong napakahirap manalo sa larangang ito.
“Mahal ko ang aking bayan. Para kay Inang Laya at sa mamamayang Filipino, handa akong makipagsapalaran. Sa tulong ninyo at sa ating pagkakaisa, walang imposible – kakayanin natin ito.”