Saturday , November 23 2024

Lina, ngising-aso lamang sa kanyang kapalpakan

00 Abot Sipat ArielMASYADONG katawa-tawa ang hitsura ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina na ngising-aso sa harap ng mediamen sabay diing hindi siya magbibitiw sa mga ipinatupad na palpak na polisiya sa kawanihan. Kahit umatras kasi si Pangulong Aquino sa random checking ng balikbayan boxes na ipinadadala ng overseas Filipino workers (OFWs), desidido si Lina na buwisan nang malaki ang balikbayan boxes.

Ang masama, hindi nagpapatinag ang OFWs na tinatawag nating mga bagong bayani dahil bukod sa Zero Remittance Day na isinulong nila kahapon, nagpaplano pa sila ng “no votes” sa mga kandidato ng Liberal Party (LP) sa nalalapit na 2016 national elections. May hinala tuloy ang mga tagamasid politikal na maniobra ng isang lider ng LP  na si alyas Otso na kilalang maka-Binay ang utos kay Lina na katasin hanggang sa kahuli-hulihang patak ang pawis, luha at dugo ng OFWs sa pagtataas ng buwis sa balikbayan boxers.  Lumilitaw na malinaw pa sa sikat ng araw na  “pagsabotahe” ang pakanang ito sa kandidatura ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.

Kaduda-duda ang mga aksiyon ni Lina na waring ginigipit ang pobreng OFWs pero pinaliligtas ang mga dambuhalang ismagler na ‘nagtatara’ sa tiwaling opisyales ng kawanihan. Mismong si BOC Deputy Commissioner Jessie Dellosa na nagprisinta kamakailan ng P85 milyong kontrabandong asukal mula sa Thailand na tinangkang ipuslit sa Manila International Container Port (MICP) ang nagbistong lalong lumala ang “tara system” sa ahensiya kaya nanawagan ang Sugar Alliance of the Philippines sa pagbibitiw ni Lina.

Target lamang ng pamahalaang Aquino na makakuha ng P600 milyong buwis mula sa balikbayan boxes pero kung ipupursige lamang ni Lina ang matinding pagbabantay sa “malalaking isda” o mga ismagler sa mga daungan sa buong bansa, balewala ang mapipilipit niya sa pinagdusahan ng OFWs.

Sa kontrabandong asukal lamang nitong 2015, halagang P284 milyon na ang tinangkang ipuslit sa MICP at daungan sa mga lungsod ng Cebu at Cagayan de Oro. Paano pa ang mga kontrabandong gulay, bigas, gadgets, bakal, sigarilyo, langis at iba pang produkto na nakalulusot sa BOC dahil sa “tara system?” 

Nagrereklamo nga pati ang mga nagtatanim ng gulay sa Cordillera dahil mas mura ang ibinebentang carrots sa mga mall na hinihinalang ipinuslit lamang sa ating bansa. Paano pa ang bawang, sibuyas at iba pang gulay na inaasahang tataas ang presyo bago ang Kapaskuhan?

Pinakamainam na huwag idaan ni Lina sa pagtawa-tawa at pagbibiro ang panawagang magbitiw siya sa puwesto. Kung may “yagbols” ang paboritong BOC chief nina PNoy, Department of Finance Secretary Cesar Purisima at alyas “Otso,” dapat magpakita siya ng “political will” na ipakumpiska ang lahat ng epektos sa BOC kahit masagasaan pa ang kanyang mga kapamilya, kaibigan at kapartido sa LP. O natatakot siyang mabisto na may “alam” sa naglahong halos 2,000 container vans noong 2011 na ikinasibak ni dating BOC commissioner Angelito Alvarez? Adaw!

About Ariel Dim Borlongan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *