SUBIC, ZAMBALES – Isang sanggol at 2-anyos magkapatid ang namatay habang ang isa ay nawawala, tatlo ang sugatan nang matangay nang rumaragasang baha ang bahay ng isang pamilya sa bayang ito sa kasagsagan ng bagyong Ineng.
Ayon sa report ni Subic Police chief, C/Insp. Leonardo Madrid, ang mga biktimang namatay ay kinilalang si Regienyr Quintero, 9 buwan gulang; Rian Layn Quintero, 2-anyos, habang nawawala ay si R-Gien, 5-anyos.
Ang ama ng mga biktima na si Reggie Quintero, 29; ang kanyang live-in partner na si Jocelyn, 32, at Regielyn, 3, ay pawang sugatan, nilalapatan ng lunas sa isang ospital sa Olongapo.
Sa Imbestigasyon ni SPO3 Ramon Supe, dakong 2 a.m. nitong Lunes nang tangayin ng baha ang bahay ng pamilya sa Purok 2, Brgy. Mangan-Vaca, sa bayang ito, nang umapaw ang tubig mula sa Mangan-Vaga River.
Napag-alaman, mahimbing na natutulog ang pamilya ngunit nagising na inaanod na ang kanilang bahay patungo sa ilog. Hindi na nasagip ng ama ang iba pa niyang mga anak dahil madilim sa paligid at malakas ang agos ng tubig sa ilog.
Pagkaraan ay natagpuan ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard, Municipal Rescue Group at mga opisyal ng barangay ang wala nang buhay na sina Regienyr at Rian Layn sa pampang ng fish port sa bayang nito. (CLAIRE GO)