Batang-Tondo ako. Walang puwang sa lugar na kinalakihan ko ang mga walang buto at duwag. Naghahari-harian sa aming komunidad ang mga sanggano at siga-sigang tulad nina Totoy Agila, Boy Demonyo, Dodong Shotgun, Junior Topak, at iba pa. Lahat sila ay pulos naglalakihan ang tattoo sa dibdib, likod, braso o sa isang bahagi ng katawan.
Hindi nababakante sa tagayan ang mga kanto-kanto at sulok-sulok sa aming lugar. Mapa-araw man iyon o mapa-gabi. Grupo-grupo ang mga siga-siga sa paglaklak ng agua de-pataranta. Kaya nga may mga pagkakataon na sila-sila mismo ay nagkakarambulan. At saksi ako na talagang walang magawa ang mga opisyal ng barangay namin sa kanilang pagsasagupaan. Kinakailangan pa ang pagresponde ng pulisya para hindi mauwi sa madugong insidente ang pagpapakita nila ng tapang sa isa’t isa.
Pero ang kakatwa, ang mga siga-siga sa aming lugar ay tiyope pala sa kani-kani-yang asawa. Tila asong nababahag ang buntot kapag umeeksena na ang kanilang mga misis.
Kahanay roon sina Totoy Agila, Boy Demonyo, Dodong Shotgun, Junior Topak, at iba pa. Ang mga de-tatong macho ay ‘di makapalag sa kani-kanilang misis.
Napansin kong tumatayo agad si Totoy Agila sa umpukan ng mga nag-iinuman sa isang tawag lang ng misis niya. Gayondin naman sina Demonyo, Shotgun at Topak. Pero puwera sa kanila ang patpating si Tikboy Kulangot na ‘di naman kilalang siga sa aming lugar. May tattoo rin sa punong braso pero maliit lang. At nang tawagin sa tagayan ng galit na misis ay bigla nitong inililis ang manggas ng suot na T-shirt.
Aba, naku! Ura-urada nang umuwi ng bahay ang misis ni Tikboy Kulangot na mistulang sumo wrestler sa katabaan.
Tulak ng kuryosidad ay inusyoso ko ang tattoo sa braso ni Kulangot. At napakamot ako sa batok sa pagkadesmaya nang mabasa ko ang nakasulat doon: “Sige, mahal, susunod na ako sa iyo.”
Asus!
ni REY ATALIA