Sino ang papalit kay Ms. Grace Pulido-Tan sa COA?
hataw tabloid
February 5, 2015
Opinion
WALA pang lumulutang na mga pangalan kung sino ang susunod sa nag-retirong chairperson ng Commission on Audit (COA) na si Ms. Grace Pulido-Tan.
Kung sino man ang susunod kay Ms. Pulido-Tan, na nakatakdang magsilbi sa loob ng pitong (7) taon, tinitiyak natin na ang unang kata-ngian ay mapagkakatiwalaan at kinakailangang tapat sa Aquino administration.
Ito ang rekesitos na kailangan ng administrasyon ni PNoy lalo na’t hindi pa sila nakatitiyak kung ang kampo pa rin nila ang magwawagi sa 2016 elections.
Hindi ba’t d’yan maraming sumasabit kapag wala na sila posisyon?!
Nabubusisi ang libro de cuenta at doon nakikita kung paano ginamit ng isang administrasyon ang pondo ng bayan.
Malamang, kung hindi sa Balai ‘e sa Samar Group kunin kung sino man ang papalit kay Ms. Pulido-Tan.
Iba na kasi ang politika sa bansa ngayon. Kung noon ay bulok, ngayon ay bulok na bulok na bulok na bulok na…
Nagnanaknak na ang kultura ng venganza sa hanay ng mga politiko. Hindi lamang pagtataas ng bandera ng mga partido politikal ang pinaglalabanan ngayon sa pag-upo sa Malacañang kundi maging ang venganza at pagpapakulong sa sinusundang presidente.
Hindi na tayo magtataka kung dumating ang panahon na ang mga politiko ay takot nang tumakbo sa pagka-presidente (gaya sa Belgium at France) dahil alam nila na sa pagtatapos ng kanilang termino sila ay kakasuhan at itatapon sa kalaboso.
Kaya hindi na tayo nagtataka kung maniguro ang administrasyon ngayon kung sino ang iuupo nila sa COA at sa iba pang ahensiya ng pamahalaan na krusyal ang gagampanang papel para matiyak na sila ay ligtas sa ano mang asunto kapag wala na sila sa puwesto.
Again, this is Philippine politics.
Mr. Romy Sayawan ng ASSI naglinaw sa isyu ng illegal solicitation sa NAIA
MATAPOS natin maikolum nitong nakaraang araw ng Linggo ang tila nagiging talipapang hilatsa ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1, sa naglisaw na transport solicitors and hotel representatives, naglinaw kaagad sa atin si Mr. Romy Sayawan ng ASSI na hindi niya mga tauhan ang ‘ilegal’ na naglalako ng tiket ng eroplano sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Mariin niyang pinasinungalingan na hindi kailan man naglalako ng tiket ng eroplano ang mga tao niya sa ASSI.
For the benefit of the doubt, sabi nga ‘e, nagtanong-tanong po ang inyong lingkod sa NAIA terminal 1.
Sa bawat pagtatanong natin ‘e iisang pangalan ang lumulutang. Isang alyas HILARIO ang itinuturo nilang naglalako ng tiket ng eroplano sa mga OFW na alam niyang lilipat ng flight patungo sa mga probiniya kung saan sila umuuwi.
Natutuwa tayo dahil mayroong mga nakipagtulungan o nagbigay sa atin ng INFO ukol kay alyas Hilario.
Ngayon, NAIA terminal 1 manager Dante Basanta, ALAM mo na siguro kung sino ang paiimbestigahan ninyo?!
Take note, iimbestigahan na lang ninyo. Hindi na kayo ang gumawa ng intelligence work. Nakatipid na rin kayo nang konti d’yan.
Ano sa palagay mo, Mr. Dante Basanta, Sir?!
Babala: Media Orbit tandem sa Maynila (Barangay Chairpersons binibiktima rin)
Kamakailan inilabas natin ang masamang gawain ng dalawang nagpapakilalang taga-Hataw na sina alias ERICK at DENZ na umo-orbit at nangongotong sa mga sugalan at police station.
Sa huling info na nakuha natin, pati pala pangalan ni Cong. Atong Asilo ay ginagasgas ng dalawang hinayupak para ipanakot sa mga pulis at barangay chairpersons.
Sila raw ang naatasan ni Cong. Asilo na mag-monitor ng 1602 sa Tondo at ireport daw sa kanya ang mga barangay na may latag ng sugal-lupa.
Muli, ang panawagan ko sa mga pulis at barangay officials sakaling makaharap n’yo ang dalawang tolonges na ‘to…pakibatukan lang ho!!!
MARINA tuloy sa pangongotong (Paging: DOTC Sec. Jun Abaya!)
SIR gud pm po baka pwede po natin ituloy ang paghataw jan sa mga taga-Marina dahil tuloy pa rin ang kurakot nila. ‘Yon kinse na doc stamp 30 pesos pa din. Sa polo n ipapatong ng 30 seconds 25 bale ang kotong nila ay 55 per head na hindi isinasama sa opisyal na resibo. Salamat po God bless. +639162020 – – – –
Huling saludo ipinagmaramot pa ni Noynoy sa Fallen 44
TAMA po ang HATAW. Pinanonood ko si Noynoy sa necrological mass para sa Fallen 44. Nagdasal siya, ibinigay ang plaque at medalya pero hindi nagbigay ng saludo sa mga napaslang na SAF. Nauunawaan natin na walang training sa police at sundalo si Noynoy pero wala ba siyang adviser na pwedeng magturo kung ano ang dapat niyang gawin?! Laging nakadikit sa kanya ang pinagpalang si Gazmin, hindi man lang ba niya naitanong kay Noynoy kung alam niya bilang commander-in-chief ang kanyang gagawin para sa huling pagpupugay sa mga napaslang?! B-O-B-O na sa military science hindi pa alam ang mga batayang kortesiya?! Ano ba ‘yan?! +63632201 – – – –
Kailan babalik ang ganda ng Avenida?
Ako po’y senior citizen at ilang taon na rin akong nakatira sa Maynila. Kapag napapadaan ako sa mga lugar na dati kong pinapasyalan at nilalakaran gaya ng Carriedo, Avenida, Ronquillo, Evangelista at C.M. Recto malaki ang aking panghihinayangan. Napakadungis ng Maynila ngayon. Napakaangos. Bawat kanto ay may makikita kang marurungis na bata kasama ang kanilang mga magulang na laging may sinisinghot na rugby. Sa gabi naman, ang lahat ng bangketa sa mga kalyeng nabanggit ko ay maraming natutulog, pami-pamilya. Ang tolda sa Avenida ay hindi tindahan lang kundi ginawang tirahan. Kaya napakabaho na rin ng Avenida. Ganito na ba talaga ang mukha ng Maynila?! Kailangan pang pumasok sa loob ng mga Mall na parang nanghoholdap naman sa mahal ng mga bilihin. Kailan kaya muling maibabalik ang ganda at katahimikan ng Maynila Ka Jerry? Mukhang hindi namin ito maaasahan sa ilalim ng administrasyon ni Erap. +63917410 – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com