Tuesday , November 26 2024

May maiitim na budhing nagdiriwang sa Maguindanao Massacre 2

00 Abot Sipat ArielKUNG sino man ang taga-Malakanyang  na nagbigay ng go-signal para salakayin ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang kuta ng mga rebeldeng Muslim sa Mamasapano, Maguindanao, malinaw na tutol sila  na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.

Malinaw kasing nadeskaril ang peace process sa pangyayari. Hindi puwedeng ikatwiran na may intelligence report na naroon sa Brgy. Tukanalipao sa Mamasapano ang mga pandaigdigang terorista na sina Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan” at Basit Usman, kapwa Jemaah Islamiyah (JI) bomb-making experts, kaya gusto silang dakpin ng PNP-SAF.  Puwede naman kasing beripikahin sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) mismo kung positibo ang intel report.

May ulat ang Manila Standard Today (MST)  na ang suspendidong si PNP Director General Alan Purisima ang nagplano sa operasyon ng PNP-SAF na nalagasan ng 44 miyembro, ang pinakamasaklap na yugto sa kasaysayan ng naturang elite force ng pulisya.

Ano ang motibo ni Purisima para ipahamak ang kanyang sariling mga tauhan? Dapat na hingin ang kanyang panig dahil kung totoo ang tsismis na gusto lang niyang resbakan o ipahiya sina Department of Interior and Local Government Secretary (DILG) Mar Roxas at PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina na kapwa umaming “bulag” sa operasyon, hindi siya nagtagumpay.

Lalong lumalim ang problema nang iulat ng MST na may pahintulot ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., sa operasyon at ang pinamumunuan niyang Philippine Anti-Organized Crime Commission  ang nagpondo sa maselang operasyon.

Lumalabas tuloy na ang pagsalakay ng PNP-SAF sa Maguindanao  nang walang abiso sa mga rebeldeng Muslim ay “political operation” para madeskaril ang kandidatura ni Roxas at maiahon mula sa kumunoy ng kabiguan  ang bumubulusok na karerang pampolitika ni Bise Presidente Jejomar Binay.

Batid naman kasi ng marami na kumambiyo  sina Ochoa at Speaker Feliciano Belmonte Jr., pabor sa kandidatura ni Binay sa halalan noong 2010 kaya natalo si Roxas dahil sila ang nagpakana ng “NoyBi” noon. Kung ganito ang layunin, muli, hindi nagtagumpay si Ochoa.

Sa operasyon tulad ng ginawa ng PNP-SAF, mayroong tinatawag na “spotter” kaya sa naganap sa Maguindanao, mailalarawang “ipinalamon sa leon” ang mga pulis na “bulag” sa teritoryo ng mga rebeldeng Muslim. Sablay ang intel report ng PNP-SAF dahil wala naman sa Maguindanao sina Marwan at Usman.

Sabi nga ni (Moro National Liberation Front) MNLF spokesman Emmanuel Fontanilla sa dzMM: “Masakit po ‘yung nangyari, mga kapatid din natin ‘yung namatay. Ang pagkakaalam namin ‘yung kanilang subject ay wala po roon. Wala po roon. Nasa Lanao po, nasa Lanao. Mali ‘yung intelligence nila. Mabuti pa nagtanong sila sa amin.”

Sa sitwasyong ito, hindi makapaghuhugas ng mga kamay si Pangulong P-Noy  dahil lilitaw ang katotohanang siya ang nag-utos sa operasyon kaya brutal na namasaker ang 44 PNP-SAF members. At habang nananahimik ang mga nagplano at sumablay sa sitwasyong ito, may maiitim na budhing lihim na nagdiriwang sa nalalapit na pagluklok sa Malakanyang. 

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *