BIGLA naman akong napa-HA nang mabasa natin ang komentaryo ni Richard Gomez a.k.a. Goma tungkol kay Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Sa kanyang komentaryo ‘e masyadong minaliit ni Goma ang mga kababayan nating sundalo na naglunsad ng mutiny noon laban sa admi-nistrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Tear gas lang umano ang nagpasuko pero naging Senador pa ngayon.
Sonabagan!!! Sawsaw suka boy!!!
Muntik magbuwis ng buhay ang mga kababayan nating sundalo na ipinaglaban noon ang kanilang kapakanan lalo na ‘yung mga naitatalaga sa mga lugar na mayroong kaguluhan halimbawa sa mga lugar na tinatawag na rebel-infested area sa Visayas at sa Mindanao.
Ang pangunahing isyu noon kung hindi tayo nagkakamali, ‘e ‘yung mga nagreretirong heneral sandamakmak ang pabaon samantala ‘yung maliliit na sundalo na namamatay sa labanan ‘e pahirapan pang maipalibing nang marangal at ang mga benepisyo ng naiwang pamilya ay aabutin ng dalawang taon bago makapakinabangan.
Marami umanong biyuda ng mga sundalo ang nagiging kabit pa ng mga heneral kapapa-follow-up sa kanilang mga benepisyo.
Habang ang mga anak naman ng mga yumaong sundalo karamihan ay hindi nakapagtatapos ng pag-aaral.
‘Yan Mr. Richard “Goma” Gomez, ang minamaliit mong ipinaglaban ni Senator Trillanes para sa ‘maliliit’ nating mga sundalo.
Sila ‘yung mga sundalo na sa panahon ng kanilang pagseserbisyo para ipagtanggol ang bansa ay laging malayo sa kanilang pamilya.
‘E alam n’yo naman sa Pinas, ang pagsusundalo ay panghabambuhay.
Hindi gaya sa ibang bansa na dalawang taon ang pagsusundalo at pagkatapos no’n ay pwede na silang mag-aral kung anong kurso ang gusto nilang pag-aralan.
Sabi nga ng mga ka-Bulabog natin, si Goma ay taklesa pa sa kabila ng pagiging taklesa.
Mungkahi lang natin kay Goma, tigilan na ang pagiging sawsaw-suka …
Naghuhulas kasi ang paging MACHO niya dahil sa sobrang kadaldalan.
‘Yun lang!