Saturday , November 23 2024

Palpak na Metrobank ATM card (Desmayado sa Kapuso at Kapamilya network)

 

MAGANDANG hapon po Mr. Jerry Yap:

Tawagin nyo na lamang po ako sa pangalang Jeffrey, call center agent ng Panasiatic Solutions Inc., isa sa mga sikat na call centers dito Bacolod City Negros Occidental.

Ako po ay dalawang buwan ng nagtatrabaho sa Call Center dito sa Bacolod City. Noong nakaraang Biyernes (August 29, 2014) nai-release po ang aming ATM Card ng Metrobank Lopues East Bacolod City. Dahil dito, agad ko pong kinuha ang aking ATM upang makuha ko ang aking sweldo upang mabayaran ko ang aking inuupahang bahay, mabayaran ang kuryente at tubig, at higit sa lahat mayroong magamit sa araw-araw at makapaghanda ng munting salo-salo sa aking apartment na inuupahan para sa kaarawan ng aking butihing maybahay. Hindi ko alintana ang maliit na sahod ng Panasiatic Solutions Inc., na nagkakahalaga lamang ng 7, 000 per month.

Sa parehong petsa (August 29, 2014), alas dos ng hapon, pagkatapos ko pong nakuha ang aking ATM, agad po akong nagtungo sa ATM Machine ng Metrobank Lopue East Bacolod Branch upang matingnan kung pumasok na po ang aming sahod. Sa kasamaang palad, hindi po pumasok ang aming sweldo at pumasok na lamang daw ito noong alas kuwatro ng hapon (4p.m.) sa kaparehong petsa na nabanggit (Agosto 29, 2014). Dahil dito, nagpasya na lamang ako na palitan ang aking password o password change upang madali ko pong maalala ang aking password at kinabukasan ko na lamang kukunin ang aking sahod (August 30, 2014). Matagumpay naman pong naiproseso ng Metrobank E.T. ATM Machine ang pagpapalit ko ng password, sa katunayan naglabas pa ito ng papel na may transaction number 05065061 na nagsasabing Transaction Pin Change Successful. Pagkatapos ng pagpapalit ko ng Password, agad na po akong umuwi ng bahay upang makapagpahinga.

Kinabukasan, Agosto 30, 2014 (Sabado) alas12:00 pasado ng tanghali, agad po akong nagtungo sa Metrobank East Branch Bacolod City, upang I-withdraw ang aking sahod mula sa Metrobank ATM. Sa kasamaang palad, hindi po tinanggap ang aking bagong password. Sinubukan ko po ito ng tatlong (3) beses hanggang sa ito ay ma-block ng ATM Machine. Dahil dito , ako po ay nadismaya dahil kakapalit ko pa lamang ng password at agad itong nai-block. Wala na po akong magawa, kung kaya’t ako po ay nagpasya na lamang umuwi at matulog.

Agosto 31, 2014 (Linggo), muli ko pong sinubukan ang aking ATM sapagkat kapos na po ako sa budget para sa araw-araw na aming pangangailangan. Ako po ay nagpunta sa BDO (Banco De Oro) Lopues East Bacolod Branch upang kuhanin ang aking pera mula sa ATM. Ipinasok kong muli ang aking password na na-block. Sa awa ng DIOS, tinanggap ito ng ATM at agad akong nag-inquire kung magkano ang aking sahod. Pagkatapos ko pong mag-inquire, nagpasya po akong I-withdraw ang aking sahod na nagkakahalagang 4, 500.00 PHP. Nagulat po ako ng sabihin ng ATM na: Your Transaction Cannot be Processed. Agad ko pong pinasok muli ang aking ATM Card at pagkatapos ay nag-inquire balance; subalit sa kasamaang palad, ang aking balance ay nagging PHP 0.00. Agad po akong nagulat at nadismaya kung kaya’t umuwi na lamang ako at nagpasya na linawin ang lahat sa darating na lunes (Setyembre 01, 2014).

Setyembre 01, 2014, Lunes, alas 9:00 ng umaga (araw po ng aking day-off), agad po akong dumiretso sa Metrobank Lopues East Bacolod Branch upang linawin ang lahat hinggil sa aking naging problema sa ATM ng Metrobank Lopues East Bacolod City. Nang ako ay pumasok sa Metrobank, agad po akong dumiretso sa isang Personnel ng Metrobank na mukhang manager o officer-in-charge ng ATM. Pinaalam ko po ang aking suliranin at agad niya po itong tiningnan sa kaniyang Computer Record. At kaniyang nakita na ang aking transaction ay tinatawag na: No Cash Dispense o Walang Perang nailabas kahit pa ikaw ay humiling na kuhanin ang pera sa loob ng iyong ATM. Pagkatapos matingnan ang aking Record sa Computer, ang Empleyado ng Metrobank Lopues East Branch ay agad na nag-utos sa akin na I-fill-up ang complaint o reklamo hinggil sa aking ATM. Pagkatapos ay pinayuhan ako ng personnel ng Metrobank Lopues East Bacolod Branch na bumalik ako pagkaraan ng dalawang (2) araw hinggil sa aking reklamo. Dahil dito, agad po akong umuwi upang makapagpahinga.

Setyembre 03, 2014, Miyerkules, ala dos (2) ng hapon, pagkatapos ko pong magtanghalian mula sa trabaho, pumunta po ako metrobank upang tingnan ang balance ng aking ATM, sa kasamaang palad, hindi pa rin naibabalik ang aking sahod na nawala (PHP 4, 500.00); kung kaya’t nagtungo ako sa loob ng tanggapan ng Metrobank Lopues East Bacolod Branch. Itinanong ko po sa mga empleyado ang aking suliranin, subalit karamihan sa kanila ay nagbibingi-bingihang kawali. Pagkaraan ng isang (1) oras, sa wakas, may empleyada na sumagot sa aking katanungan. Ang kaniya pong sagot sa akin, ay ipapadala pa raw po nila ang aking complaint sa Metrobank Metro Manila Branch at iimbestigahan. Tinanong ko po kung kailan ko po malalaman ang resulta. Ang sabi po sa akin ng empleyada ay sa susunod na linggo o Setyembre 08, 2014 (Lunes). Tinanong ko po siya kung ito po ay sigurado. Ang sagot po sa akin ng empleyada ay hindi pa po ito sigurado, sapagkat pipila pa raw po ang aking papel sa Metrobank Metro Manila at pagkatapos daw po ay may posibilidad pa raw na ito ay hindi maaaprubahan at muling ipapadalang muli hanggang sa ito daw po ay umabot ng anim (6) na buwan. Dahil dito, ako po ay lihim na nadismaya at agad na nagpaalam na lamang sapagkat akin pong nakita na wala na pong gana ang mga empleyado at empleyada ng Metrobank Lopues East Bacolod Branch na asikasuhin ang aking reklamo o suliranin.

Agad po akong nagtungo sa GMA 13 (GMA 7 Kapuso ng Bacolod City Negros Occidental). Kinausap ko po ang in-charge ng GMA 13 Kapuso Bacolod City hinggil sa aking suliranin at sinabi sa aking ng GMA 13 Kapuso Bacolod City na hindi raw po nila maaaring aksyonan ang aking suliranin sapagkat marami daw po silang mga kakilala sa Metrobank at ayaw raw po nilang masagasaan ang kanilang mga kaibigan.

Dahil dito ako po ay nagpasya na lamang na pumunta ng ABS-CBN Channel 4 Bacolod City baka sakaling ako po ay matulungan laban sa kapabayaan ng Metrobank Lopues East Bacolod Branch. Ako po ay inimbestigahan ng guwardiya ng ABS-CBN Ch. 04 at kinuha ang detalye ng aking reklamo at inindorso sa loob ng kanilang opisina. Pumasok po ako sa opisina ng ABS-CBN Ch. 04, nakausap ko po ang in-charge at inilahad ang kumpletong detalye ng aking reklamo. Ang sinabi po sa akin ng in-charge na ganyan raw talaga ang bangko at dapat ko na lamang daw tiisin ang palpak na serbisyo. Dahil dito, agad po akong nagpasalamat at umalis na lamang; subalit hinabol po ako ng babaeng in-charge na ipapakausap na lamang raw po ako sa kanilang reporter. Pumayag naman po ako. Nang lumabas ang reporter na aking hinihintay, agad ko po siyang kinausap at ibinigay ang detalye ng aking suliranin at ipinaalam sa kaniya na isaangdaan na lamang po ang laman ng aking bulsa kung kaya’t malalagay sa alanganin ang kakainin ko at kakainin ng aking asawa. Imbes na aksyonan ang aking reklamo, nagulat po ako, as in sobrang gulat ko po ng sabihin ng ABS-CBN na hindi raw po sila tumatanggap ng maliliit na reklamo maliban na lamang kung ito ay patayan…mayroong namatay…mayroong pinatay…at mayroong pumatay. Kung kaya’t umuwi na lamang ako. Habang ako po ay papauwi, noon ko po lamang napansin na hindi lamang pala empleyado ng gobyerno ang mga tamad, pabaya, inutil, at mayroong kinikilingan kundi pati na rin pala GMA 7 Kapuso at ABS-CBN 02. Hindi naman pala totoong nagseserbisyo ang mga Kumpanyang ito na nagpapakilalang Serbisyong Totoo at Naglilingkod sa mga Pilipino. Mayroon din palang kinikilingan ang mga ito at negosyo rin pala ang laman ng mga utak ng mga higanteng Television Network na ito at hindi totoong serbisyong totoo. Kailangan pa palang pumatay, magpakamatay, o magpapatay bago ka pansinin ng mga buwayang Television Network na mga ito.

Sana Mapansin nyo po ang aking hinaing at malaman ng taumbayan na ang mga mediang ito: ABS-CBN Ch.2 at GMA 07 ay pawang negosyo ang laman ng mga utak ng mga kumpanyang ito at mayroon ding kinakampihan o kinikilingan kahit pa ang mga kinakampihan nila ay nakakaperwisyo sa publiko. Patayan lang pala ang mga scoop ng mga ito upang mapansin ng mga malalaking kumpanya at makapagbayad ng milyon milyong advertisement na kanilang pinagkakakitaan tuwing nagpapalabas ng mga programa ang mga ito.

Dapat ang slogan ng GMA 7 ay perwisyong totoo at ang ABS-CBN naman ay naglilingkod sa mga mandarambong na Pilipino.

Salamat po,

Jeffrey

Call Center Agent

Panasiatic Solutions Incorporated

Bacolod City

[email protected]

 

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

 

About hataw tabloid

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *