ANG port congestion o pasisikip sa mga pier ng Maynila ay nakatulong sa pagbaba ng importasyon ng bansa sa dalawang magkasunod na buwan mula Mayo hanggang Hunyo.
Ang data mula sa Philippine Statistics Authority ay nagpapakita na bumaba nang 3.6 porsyento na $4.715 bilyon ang importasyon noong Hunyo mula sa $4.889 bilyon sa nasabi rin buwan noong 2013. Makikita rin sa record na bumaba ang importasyon nang 4 porsyento sa nakalipas na Mayo.
Ang mga pagbaba ay nakita sa importasyon ng mga nangungunang kalakal tulad ng industrial machinery at equipment, electronic products, at “ibang pagkain at buhay na hayup” noong Hunyo.
Nang kumalat sa abroad ang mga ulat kaugnay ng port congestion, ang sino mang negosyante ay natural lang na mag-aalala na magpasok ng produkto o kalakal sa Pilipinas, kung wala man lang katiyakan na makalalagpas ito sa customs.
Ilan pang mga dahilan sa kasalukuyang pagsisikip sa pantalan ang reporma na ipinatutupad sa Bureau of Customs (BoC). Kabilang sa anti-graft drive ni Customs Deputy Commissioner Intel Jessie Dellosa ang pag-iisyu niya ng malawakang “alert orders” sa libo-libong kargamento at ang pagpapatigil ng overtime sa mga makinang pang-x-ray.
Isa pang dahilan sa pagsisikip ng container vans sa pier ng Maynila na hindi puwedeng balewalain ang implementasyon ng LTFRB sa polisiya kaugnay ng prangkisa ng mga delivery truck na walang permiso para tumakbo, kasama ng pinabigat na parusa na naghihintay kapag sila ay nahuli.
Ang mga pagkaantala sa paghahatid ng mga produkto nang dahil sa polisiya ng LTFRB at ang pagpapatupad ni Mayor Joseph Estrada ng truck ban sa Maynila ay nakaapekto sa presyo ng mga produkto at kalakal.
Ang desisyon ni Estrada na alisin ang truck ban noong Sabado ay magandang hakbang sa problema ng port congestion. Maganda ang hangarin niya sa pagpapatupad ng truck ban noong Pebrero para malutas ang buhol-buhol na trapiko sa lungsod. Pero aminin man nila o hindi, ang kontrobersyal na pagbabawal ay nakatulong sa pagsisikip sa mga pier.
Ang epekto nito sa ekonomiya habang patuloy na bumababa ang importasyon ay nagdulot ng pangamba sa mga negosyante. Pati ang kawalan ng paborito ng lahat na fried chicken ng isang popular na fastfood chain ay isinisi sa truck ban.
Idagdag pa rito ang masaklap na pagkakatrapik sa North Luzon Expressway na tumagal nang ilang oras may dalawang linggo na ang nakalilipas, na port congestion din ang pinaniniwalang dahilan, kaya humingi si Pangulong Aquino ng paumanhin sa mga commuter.
Pero ang mga negatibong epekto na dulot ng truck ban ay nagsilbing pampagising sa national government para ibaling ang kanilang atensyon sa patuloy na nadaragdagang bilang ng nakatengga at walang lamang container ng kargamento sa ating mga pier na kailangan nang idispatsa.
Ang pagpoproseso at pagre-release ng mga kalakal sa Customs ay dapat sistematiko at episyente. Ang pagkakaroon ng laya na magdeliber ng kalakal nang 24 oras araw-araw mula sa mga pier ng Maynila hanggang sa destinasyon nito ay hindi garantiya ng tagumpay at hindi magiging sapat kailan man, kung ang pagre-release ng kargamento sa customs ay kasing bagal ng pagong kung gumalaw.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.