MUKHANG wala sa ayos ang nakagisnang pamumuno ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman, Atty. Winston Ginez.
Reactive ang style ng kanyang serbisyo publiko. Kung kailan mayroong malaking aksidente ay saka lamang niya pinakikilos nang husto ang kanyang mga tauhan para gawin ang mga karampatang inspeksiyon at monitoring sa mass transportation gaya ng public utility vehicles and buses (PUVs and PUBs).
Nakita natin ang padron na ito ni Chairman Ginez sa kaso ng ‘lumipad’ na Don Mariano bus sa Skyway at ngayon nga ay ‘yung ‘dumayb’ na Florida bus patungong Bontoc sa Mt. Province.
Kaya ngayon lang nila natuklasan na ang nasabing Florida bus ay hindi na pala pag-aari ng Florida bus mismo.
Ibig sabihin nagkakaroon ng bentahan ng mga PUBs na hindi namo-monitor ng LTFRB?
Ano po ang epekto nito sa commuters?!
Sa ganito pong sistema ng bilihan o pasahan ng prangkisa, naisasakpripisyo ang kalidad ng bus at ng serbisyo para sa publiko.
Nagbabayad nang tama ang mga pasahero sa isang bus na kilalang may maayos at ekselenteng maintenance para sa malayuang biyahe. Ibig sabihin, gustong tiyakin ng pasahero ang kaligtasan ng kanilang paglalakbay kaya sa mga maaayos na bus sila sumasakay.
Lalo na nga d’yan sa Mt. Province na ang pagtungo ay parang paghahanda na rin sa kamatayan.
Tsk tsk tsk …
Pero dahil ang bentahan ng bus at ng prangkisa ay hindi na-monitor ng LTFRB, hindi na rin malalaman ng pasahero kung ang sinakyan nilang Florida bus ay maayos pa rin ang maintenance.
‘Yan ay base sa ipinalalabas ngayon ng LTFRB na mayroon daw diperensiya ‘yung bus kaya hindi nakontrol ng driver.
Bukod pa ‘yan do’n sa kapabayaan ng local government unit na walang ano mang road signs ang nasabing blind curve at walang road hamper sa gilid ng kalsada.
Kung talagang seryoso ang LTFRB, lalo na ang kasalukuyang chairman na si Atty. Ginez, na mabawasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng land transportation, dapat e mas masugid at maging mahigpit sila sa pag-iinspeksiyon ng mga bus.
Unahin na nila ‘yung mga bumibiyahe sa malalayong probinsiya — northbound at southbound — lalo na ‘yung mga dumaraan sa gilid ng bundok.
Sa ganyang paraan man lang ay makaramdam ng kaligtasan ang mga pasahero, ‘di po ba Chairman Ginez?
Umaksyon kayo nang maaga Chairman Ginez …hindi ‘yun ‘pag may naganap nang aksidente!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com