NGAYON Sabado, Nobyembre 30, ang ika-150 taong kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, ang ama Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB) at unang pangulong bayan.
Sa kabila nito ay wala tayong nakikitang ginagawang paghahanda ang kasalukuyang administrasyong Aquino para gunitain sa buong bansa ang mahalagang araw na ito. Maliban siguro sa nakagisnan nang pagtatas ng bandila ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa Monumento sa Lungsod ng Caloocan City, Liwasang Bonifacio sa Maynila, sa Dambana ni Tandang Sora sa Lungsod Quezon at sa Fort Bonifacio sa Lungsod ng Makati ay walang malawakang selebrasyon kaugnay ng okasyong ito. Tila walang halaga ang araw na ito.
Gayon man ay hindi ako nagtataka kung bakit ganito sa siste. Bahagi kasi ito ng patuloy na pagmamaliliit sa alaala ni Gat Bonifacio ng mga puwersa ng reaksyon upang huwag kumalat ang kanyang mapanganib na saloobin at pag-ibig sa bayan. Para mailarawan ko nang tama ang mga delikadong kaisipan niya ay hayaan ninyo akong ibahagi sa inyo ang ilang bahagi ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” na kahit isinulat ni Gat Bonifacio noong Marso, 1896 ay nagkop na angkop pa rin sa ating kalagayan ngayon.
“Ano ang nararapat natin gawin? Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaon nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya’y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal.”
“Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kaalipustaan, at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari.
Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.”
“Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat natin ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan …”
Ang pataksil na pagpapatay sa kanya ni Emilio Aguinaldo sa Maragondon, Cavite noong 1897 ay hindi sapat para sa kanila na puwersa ng reaksyon. Dapat ay hindi kilalanin si Gat Bonifacio at patuloy na insultuhin ang kanyang alaala.
Ang isang pailalim na paraan ng pang-iinsulto ay ang bansag kay Gat Bonifacio na “Great Plebeian” o Dakilang Bakya. Ito ay kontradiksyon ng mga salita. Ito ay insulto personal na pilit lumiliit sa alaala ng bayani sa ating kaisipan. Paano magiging dakila ang isang walang birtud. Nasaan ang kabayanihan kung siya ay katulad lamang ng lahat (mediocre)? Sino siya kung siya ay walang tagumpay o kabiguan sa buhay? Tanging ang mga nag-iiwan lamang ng marka ang nagiging bayani at hindi ang isang walang iniwang alamat. (Itutuloy)
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores