AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
TIRANG personal – usong-usong ito sa away politika. Madalas nangyayari ang desperadong hakbanging ito lalo na kapag kulang o walang ebidensiya sa kaso ang mga tumutuligsa laban sa kanilang inaakusahan.
Ang tirang personal o walang kuwentang pag-iingay ay kasalukuyang nararanasan nina Pangulong Bongbong Marcos at Executive Secretary Ralph Recto na pilit silang winawasak sa isyu sa pondo ng PhilHealth.
Pero kapag tinanggal ang ingay at inintindi ang aktuwal na proseso ng gobyerno, walang tumitibay na ebidensiya laban sa kanya.
Unang linawin: hindi personal ang budget ng gobyerno. Ang budget ay ginagawa ng Kongreso. Ang paglabas ng pondo ay ginagawa ng DBM base sa aprobadong budget. Ang pangongolekta at paghawak ng pera ay ginagawa ng Bureau of Treasury (BTr). Ang Executive Secretary walang kapangyarihang maglipat ng pondo ayon sa gusto niya.
Kaya kapag sinasabi ng ilan na “si Recto ang may sala,” simpleng tanong lang ang sagot:
Nasaan ang ilegal na utos? Nasaan ang dokumento ng lihim na paglipat ng pondo? Nasaan ang personal na pakinabang? Wala!
Isa pang mahalagang hindi sinasabi ng mga kritiko: kapag may na-sweep na idle o hindi nagamit na pondo, hindi ito deretso sa iisang proyekto. Hindi ito parang tsekeng ibinigay sa flood control o kahit anong programa.
Kapag naibalik na ang pondo, nagiging bahagi ito ng national collections ng BTr. Ibig sabihin, halo-halo na ito sa kabuuang kita ng gobyerno—kasama ng buwis, kita ng GOCCs, at iba pang collections. Doon pa lang magagamit ang pondo ayon lamang sa mga programang inaprobahan ng Kongreso.
Kaya maling-mali ang sinasabi ng ilan na “ang pera ng PhilHealth ay ginamit sa ganitong proyekto.” Walang ganoong direct pipeline.
Mas lalong bumabagsak ang paninira kay ES Recto kapag tiningnan ang aktuwal na ginamit na pondo. Ayon sa Department of Finance, ₱27 bilyon ang inilabas noong 2024 para bayaran ang Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) ng mga health at non-health workers—utang ng gobyerno mula pa noong 2020.
Dagdag pa rito, iniulat din ng DOF na tinatayang halos 78% ng humigit-kumulang ₱60 bilyon ang napunta sa health at social services—medical assistance, suporta sa pasyente, at iba pang tulong panlipunan.
Kung ang layunin ay manloko, bakit malinaw ang accounting?
Bakit napunta sa health at social services ang malaking bahagi?
Bakit PHEBA ang isa sa mga unang binayaran?
Sa huli, malinaw: mahina ang kaso, kaya personal ang atake. Pero sa harap ng proseso at numero, hindi tumatayo ang paninira kay ES Recto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com