NAKATAKDANG i-host ng bansa ang Philippine Women’s Open mula Enero 26 hanggang 31, 2026 sa outdoor hard courts ng Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Maynila.
Subalit, ang takdang petsa ng Women’s Tennis Association (WTA) 125 event ay sasabay sa ikalawang linggo ng Australian Open, kung saan kabilang si world No. 50 Alexandra Eala sa mga pangunahing kalahok sa main draw.
Ang Australian Open, na unang Grand Slam tournament ng taon, ay idaraos mula Enero 12 hanggang Pebrero 1 sa Melbourne.
Gayunpaman, kinumpirma ng Philippine Tennis Association na nakapagparehistro na rin ang 20-anyos na si Eala para sa Philippine Women’s Open.
Tinatayang nasa apatnapung manlalaro mula sa Canada, Mexico, Egypt, Belgium, China, Thailand, Serbia, Russia, Belarus, Estados Unidos, Spain, Japan, Great Britain, Bulgaria, Italy, France at Indonesia ang nagpatala rin sa torneo.
“Siya (Eala) ang nagsisilbing inspirasyon ng paligsahang ito,” pahayag ni Philippine Tennis Association secretary general at Navotas City Mayor John Rey Tiangco noong Biyernes sa isang press conference sa Lanson Place Hotel sa Pasay City.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon sina Philippine Sports Commission Chair John Patrick Gregorio at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority chief Mark Lapid.
Ayon sa mga opisyal, ang gagastusin para sa pagpapagawa at pagsasaayos ng venue ay tinatayang nasa pagitan ng P50 milyon at P70 milyon. (JM/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com