TENSYONADO SI MARIO HANGGA’T ‘DI UMAALIS ANG BARKONG SASAKYAN PATUNGONG CEBU
Mula sa pagtuntong ng mga paa sa pantalan, pagpila sa pagkuha ng tiket at hanggang sa paghihintay ng masasakyang barko patungong Cebu, sa pakiwari ni Mario ay bitin na bitin ang kanyang paghinga. Namalagi sila ng kanyang mag-inang Delia at Dondie sa pahingahan/hintayan ng mga pasahero. Batid niya na sa mga sandaling ‘yun na siya at ang iba pang mga pugante ay pinaghahanap na ng mga awtoridad. Naging malikot na malikot ang kanyang mga mata, pinipigurahan ang mga tao sa paligid. Nakaalerto siya at higit na pinatalas ang pakiramdam.
Matao pa naman ang lugar. Naroon ang mga pasaherong pasakay at galing ng barko. Paroo’t parito ang mga porter. May nagpapasan ng mga dala-dalahang bagahe. May nagtutulak ng kariton. May mga manininda ng kung anu-ano na ikot nang ikot. Nangag-istambay ang mga tsuper ng taksi, FX at pampasaherong dyip na namimik-ap ng makokontratang pasahero. At naglisaw-lisaw rin doon ang iba’t ibang mukha ng tao.
Naging matensiyon para kay Mario ang mahigit tatlong oras na ipinaghintay nila ni Delia sa masasakyang barko. Pagod ang katawan at isipan, tinabihan niya sa tiheras ang mag-ina niyang magkatabing nakahiga roon. Tulog na ang anak nilang si Dondie, pero ang asawa niya, bagama’t mulat ang mga mata, ay sa kawalan nakatingin. (Itutuloy bukas)
Reya Atalia