MA at PA
ni Rommel Placente
ANG Green Bones lead actor na si Dennis Trillo ang itinanghal na Best Actor sa katatapos na 8th EDDYS Entertainment Editors’ Choicena ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay noong Linggo ng gabi. Si Ruru Madrid, ang nagwagi l bilang Best Supporting Actor, ka-tie si Aga Mulach para sa Uninvited.
Ang direktor ng Green Bones na si Zig Dulay ang ginawaran ng Best Direktor at ang nasabing pelikula ang Best Picture. Ang Green Bones din ang nanalo bilang Best Cinematography. Kaya masasabing big winner ang pelikula sa 8th EDDYS Entertainment Editors’ Choice.
“‘Di ko po inaasahan na makatatanggap ako ng ganitong parangal, lalo na ang makasama ang ilan pa sa mga binigyan na parangal na aking tinitingala at iniidolong mga artista.
“Siguro po bilang isang aktor, ako po ay patuloy na mangangako na gagawin ang lahat ng aking makakaya na ibigay ang lahat ng makakaya ko sa bawat proyektong ipinagkakatiwala sa akin.
“Patuloy akong magiging alagad ng sining, dahil ganoon ko po kamahal ang Philippine entertainment industry,” sabi ni Ruru sa kanyang acceptance speech.
“Iniaalay po namin ang award na ito sa lahat ng mga Filipino na patuloy ang pagtangkilik sa mga pelikulang Filipino. Lumalabas, gumagastos, pumipila para mapanood ang kanilang mga paborito sa pinilakang tabing. Para sa kanila ito. Mabuhay ang pelikulang Filipino,” sabi naman ni Dennis sa kanyang acceptance speech.
Samantala, si Marian Rivera ang wagi naman bilang Best Actress para sa pelikulang Balota, na gumanap bilang isang guro.
Ang veteran actress naman na si Lorna Tolentino ang nanalo bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang Espantaho na pinagbidahan ni Judy Ann Santos.
Present sina Dennis, Ruru, Marian, at Lorna sa 8th EDDYS Choice, kaya personal nilang nakuha ang kanilang trophy.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com