MA at PA
ni Rommel Placente
WALANG pinagsisisihan si Ryza Cenon sa naging desisyon niya noon na umalis sa GMA 7 para lumipat sa ABS-CBN, kahit pa hindi siya nawawalan ng proyekto bilang Kapuso.
Hit na hit noon ang afternoon series niyang Ika-6 na Utos, kasama sina Sunshine Dizon at Gabby Concepcion, pero pagkatapos nga nito ay nag-ober da bakod na siya sa Kapamilya Network.
“Para siyang weather for me. May maganda, may masaya. Basta po iba-iba. May sunshine, may bagyo, may rainbow.
“May mga ganoong feeling po habang ginagawa siya. Ibig sabihin hindi siya ganoon kadali. Mahirap po siyang gawin,” pagbabalik-tanaw ni Ryza habang ginagawa ang Ika-6 na Utos.
Hindi rin nila alam kung ano ang susunod na mangyayari sa serye,. “Biglang magugulat ka na lang ‘pag naroon ka na, ‘Ah, ito pala ‘yung weather ngayon.’”
Pagkatapos ngang umere ng kanilang serye ay nagdesisyon si Ryza na lisanin na ang GMA 7.
“Sinabi ko naman po na parang gusto kong mag-explore. Gusto kong lumaki pa po, lumawak pa po ‘yung mundo ko. Like, gusto ko pong gumawa ng pelikula. Gusto ko pa pong makakilala, makatrabaho pa po ng ibang artista,” esplika ni Ryza kay Kuya Boy Abunda sa show nito.
“Pero hindi naman po ako umalis ng GMA na basta umalis na lang. Nagpaalam po ako ng maayos. Umakyat po ‘ko sa itaas. Inisa-isa ko po sila (na kausapin) para magpaalam po,” aniya pa.
Hindi rin naman naging madali ang umalis sa kanyang mother network pero aniya, may mga pangangailangan din naman siya at ang kanyang pamilya.
“Siyempre, ako po, tao lang din po ako. May pangangailangan din po ako. Breadwinner din po ako, so kailangan ko rin pong kumita. So, isa rin po ‘yun sa rason,” katwiran pa niya.
Maraming bumatikos kay Ryza nang iwan niya ang GMA para lumipat sa ABS-CBN, “Dinedma ko na lang po. Kasi hindi naman po nila alam ‘yung buong istorya.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com