MA at PA
ni Rommel Placente
DAHIL naunahan ng takot sa tito ni Sheryl Cruz, ang namayapang action star na si Fernandro Poe Jr., kaya hindi itinuloy ni Anjo Yllana na pakasalan ang aktres.
Ayon kay Anjo, na-shock siya nang mapanood ang guesting ni Sheryl sa Fast Talk with Boy Abunda, na naikuwento nito ang tungkol sa naudlot nilang kasal dahil bigla na lang daw siyang nawala.
“Kaya nga noong nag-guest siya rito, nahulog ako sa upuan ko, kasi sinabi niya ‘yung totoo, ‘yung kasal na hindi natuloy,” sabi ni Anjo sa panayam sa kanya ni Boy Abunda tungkol sa panggo-ghost niya kay Sheryl.
Kuwento pa ng komedyante sa pagpapakasal sana nila noon ni Sheryl, “Niyaya ko na siyang magpakasal noon. Then I broke up because natakot ako sa tito niya, si FPJ. I have to talk to him daw, bago kami magkatuluyan.
“So, nagkaroon ako ng cold feet. Sabi ko, ‘Baka bugbugin ako.’ Ganoon ‘yung isip ko noon kasi bata pa ako eh, first time ko magpapakasal.
“Sabi ko, ‘Takot ako.’Iyon nga ‘yung sinabi niya noong hinulog niya ‘yung bomba ng interview. Totoo ‘yun, na bigla na lang akong nawala kasi ‘yun ang rason.
“Parang hindi ko pa yata kaya. Parang nabibigla lang ako roon sa sinabi kong ‘Tara pakasal na tayo,’”aniya pa.
Kasunod nito, muli silang nagkasama sa isang acting project after 10 years. Hinding-hindi raw makakalimutan ni Anjo ang intense na eksena nila ni Sheryl.
Pag-alala ni Anjo, napalakas daw ang sampal sa kanya ni Sheryl nang kunan na ang naturang eksena.
“Noong first time kaming magkita, this was 10 years after the break-up, and she has a kid na, parang 10 years old na rin siguro.
“First time naming magkita sa eksena, so akala ko, lahat ng nangyari, tapos na ‘yun. May eksena na sasampalin ako, pagsampal sa akin, ang lakas. Kasi inilabas niya ‘yung galit niya ng sampung taon,” natatawang kwento pa ni Anjo.
“Sabi ko, ‘Galit ka ba?’ Sabi niyong director, take 2. So akala ko, hihinaan na niya, inilabas na niya. Noong take 2, kasing lakas pa rin,” dugtong pa ni Anjo.
“So, kinausap ko, ‘May problema ba tayo? Sabihin mo lang.’ Pabiro, ‘Kasi nararamdaman ko, parang may hinanakit ka pa sa akin ‘yung sa nangyari dati.’ Sabi niya, ‘Oo naman.’
“Tapos ‘yun naiintindihan ko na, ooops! Parang mayroon akong iniwan dati na talagang hindi maganda sa kanya, hindi maganda roon sa relasyon.
“Kasi all the relationships I had, ang tingin ko roon laro-laro lang. ‘Pag seryoso kayo, wala namang nangyari. So ‘yun tinamaan ako roon, nagbalikan kami. Sabi ko, ‘Sige try natin kasi i-continue natin ‘yung hinanakit mo rati.”
Pero after a while ay nag-break din sila, “Because she found out that I was still living with my kids. At isang bubong lang kami ng mama ng kids. So, naiintindihan ko naman ‘yun.
“Kasi sinabi ko naman sa kanya, we’re not talking, I’m just there because nag-break kami, nandoon ako, eh. Ayokong iwanan ‘yung mga bata, gusto ko pa rin sila makasama. Hindi niya naiintindihan ‘yun,” esplika pa ni Anjo.
Nagbitiw pa ng joke si Anjo, “So malamang may part 3 ‘to. Pero mangyayari lang yan kung single si Sheryl.”
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Anjo kay Sheryl. “Seriously, if you are happy right now, I’m very happy for you. Alam ko marami kang pinagdaanan din.
“Kaya sana, ito na, naririnig ko kung totoo, sana maging happy ka lang. Masaya na ako, basta happy ka.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com